Para sa katulad ni Aling Yolanda na may sakit sa puso at madalas sinusumpong ng high blood. Hindi na niya ngayon pinoproblema ang pagpapa checkup, dahil kayang-kaya na niyang magpakonsulta sa propesyunal na duktor na walang binabayaran.
Isa lamang si Aling Yolanda, sa 17,284 na maralita at senior citizens sa bayan ng Talavera, na mabibigyang ng pagkakataon na makamit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan o primary care sa pamamagitan ng bagong programa ng Philhealth na “alaga ka para sa maayos na buhay” o simpleng “alaga ka.”
Layunin ng “alaga ka” na mapataas ang kaalaman sa primary care services na dapat nilang makamtan at mahikayat ang publiko na gamitin ang mga ito para mapanatili ang kanilang kalusugan o maagang masuri ang karamdaman para maagapan ang paglala nito.
Sa ilalim ng programa ay may nakalaan sa kanila na mga serbisyo katulad ng TSEKAP o Tamang Serbisyo para sa Kalusugan ng Pamilya.
Kasama sa TSEKAP ang libreng konsultasyon; regular blood pressure monitoring; pagpapayo sa pagpapasuso at pagtigil sa paninigarilyo; screening para sa breast at cervical cancers; digital rectal exam.
Kabilang din ang complete blood count; pagsusuri sa ihi, dumi at plema; fasting blood sugar at chest x-ray batay sa rekomendasyon ng doktor. Kasama ang mga gamot sa hika, matinding pagdudumi, pulmonya at impeksyon sa daluyan ng ihi o uti.
Ang “alaga ka” ay sabay-sabay na inilulunsad sa buong bansa. Katuwang ang Department Of Health, Department of Social Welfare and Development at Local Government Units.
Kasabay nito, ay ibinigay ng Philhealth ang kulang P6 M sa bayan ng Talavera, bilang dagdag tulong sa pondo ng kanilang Rural Health Unit.
Namahagi rin ang Philhealth ng Member Data Record o MDR sa bawat miyembro.- Ulat ni Danira Gabriel
[youtube=http://youtu.be/00prEycYp48]