Mas kumikita umano sa pagbebenta ng bato na ginagamit sa landscaping at gardening ang ilang residente sa barangay Bagting na pinupulot mula sa Segum Creek kaysa sa paggawa sa bukid o pagsasaka.

Si Liza Madulara kasama ang kanyang 2 anak habang namumulot ng mga bato sa Segum Creek, brgy. Bagting, Gabaldon.
Ayon kay Liza Madulara, namumuwisan lang ang kanyang pamilya sa lupa kaya kaunti lang ang kanilang kinkita sa pagsasaka, at minsan ay nalulugi pa. Nagti-training para maging CAFGU ang asawa ni aling Liza, para makatulong ay tumatanggap siya ng labada at namumulot ng mga bato upang mabuhay at mapag-aral ang kanilang tatlong anak.
Nakakaipon aniya siya ng sampong buriki ng bato na binibili sa kanila sa halagang Php 18.00 hanggang Php 25.00 kada sako ng bawang depende sa laki. Sa loob ng isang araw ay kumikita siya ng Php 170.00 na pagod lang ang phunan.

Ibinebenta sa halagang Php 25.00 kada buriki ang mga batong napupulot mula sa gumuhong kabundukan ng Gabaldon.
Ang iba umano niyang mga kabarangay ay kumikita ng mula Php 300.00 hanggang Php 500.00 sa maghapong pamumulot ng bato.
Si Baby dela Cruz naman ay dalawang taon nang namimili ng mga bato na ibinabyahe at ibinebenta sa mga karatig na lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Tarlac. Kwento ni aling Baby, dalawang beses sa loob ng isang linggo silang nakakapag-byahe ng anim na raang buriki ng bato kaya naman kumikita sila ng hanggang Php 5, 000.00 per week.- ulat ni Clariza de Guzman