Pasasalamat sa mga naging guro mula Elementarya hanggang sa Kolehiyo, ang naging laman ng talumpati ni Cadet 1st Class Rovi Mairel Martinez sa recognition na inihandog sa kanya ng PHINMA Araullo University.
Sa kanyang speech ay inalala ni Rovi ang kanyang naging buhay bilang isang simpleng estudyante na dumanas din ng pagpupuyat sa pagrereview sa mga aralin bilang preparasyon sa mga exams, quizzes at iba pa.
Sa pamamagitan aniya ng study habits na natutunan mula sa kanyang mga pinanggalingang paaralan ay naihanda si Rovi upang harapin ang bigat ng training at tungkulin bilang isang kadete.
Bagama’t aminado siya na nahirapan sa loob ng Philippine Military Academy at ilang beses na pinanghinaan ng loob ay hindi nito nagawang biguin ang mga magulang at hindi binitiwan ang pangarap nilang mag-ama.
Para kay Rovi, isa sa maituturing niyang susi upang magtagumpay ay ang time management o tamang paghahatihati ng oras para sa mga bagay na nais gawin sa buhay.
Mensahe nito sa mga estudyanteng naroroon na patuloy lamang mangarap sa buhay, gaano man kahirap ang maaaring pagdaanan sa pagkamit nito ay paniguradong darating ang panahon na makakamit din nila ang kanilang mga mithiin.
Matapos ang recognition ay nagpaunlak ng isang presscon si Rovi kung saan sinabi nito na panahon na upang tanggalin ang barrier sa pagitan ng lalaki at babae dahil bawat isa ay may kanya-kanyang kalakasan at kontribusyon sa lipunan. -Ulat ni Jovelyn Astrero