Iginiit ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali na dapat konsultahin muna ang mga local na pamahalaan bago mag-isyu ng permit ang gobyerno para sa importasyon ng sibuyas.

Ginawa ni Governor Umali ang nasabing pahayag sa harap ng media sa gitna ng lumalalang problema ng mga magsisibuyas sa pagbagsak ng local na produktong sibuyas dahil sa kompetisyon sa mga imported at smuggled onions.

Pinaka apektado ng importasyon ng sibuyas ang lalawigan ng Nueva Ecija dahil dito nanggagaling ang 60% ng nalilikhang bulto ng sibuyas sa bansa  kaya naman tinagurian itong “Onion Capital of the Philippines” at “Onion Basket of Asia”.

Nagdadalamhati ang mga magsisibuyas dahil kung kailan panahon ng anihan ay tsaka naman dumadagsa ang imported at smuggled onions resulta ng pagbagsak ng presyo ng lokal na sibuyas.

Ayon kay Governor Oyie Umali, isa sa mga naging hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan para matulungan ang mga magsisibuyas ay ang pagsulat sa Department of Agriculture upang maging miyembro ng NOAT o National Onion Action Team ang mga agriculturist ng local na pamahalaan.

Binuo ng DA ang NOAT upang alamin kung gaano karami ang supply ng sibuyas sa merkado; at kung may pagkukulang sa dami ng local na sibuyas sa partikular na panahon ay inirerekomenda ng NOAT na mag-import ng sibuyas, at ito rin ang nagsasabi kung gaano karami ang aangkating sibuyas sa labas ng bansa..

Kaya naman nakita ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Umali ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kinatawan sa NOAT.

Kung mayroon man aniyang dapat na nasa posisyon para mag-desisyon kung kailangan ba o hindi na mag-import ng sibuyas, ito ay ang mga agriculturist.

Ngunit simula umano na maging miyembro ng NOAT ang OPA o Office of the Provincial Agriculturist at siyam na agriculturist mula sa siyam na bayan ng lalawigan ay hindi naman ito naimbitahan sa alinmang pagpupulong ng NOAT. – Ulat ni Clariza De Guzman