Mariing kinokondena ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson o AMGL ng Nueva Ecija ang pagpatay sa magsasakang si Mario Castro at sa asawa nitong si Catalina Castro na naganap noong gabi ng Hulyo 20.

Base sa binasang pahayag ng miyembro ng AMGL Nueva Ecija na si Nilo Melegrito, malaking kawalan sa kanilang kilusan ang nasawing biktima na si Mario Castro, kilala rin bilang Ka Saka, na pangunahing lider ng AMGL sa bayan ng Rizal.

   Dagdag pa ni Melegrito, si Castro ang nagsusulong ng kampanya kaugnay sa papapabuti ng kalagayan ng mga manggagawang bukid sa pamamagitan ng pagtataas ng sahod, kasiguraduhan sa trabaho at pagtutol sa makinaryang harvester na nagiging dahilan ng kawalan ng trabaho ng mga manggagapas.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang mag-asawang biktima ay pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan noong gabi pagkauwi ni Mario sa kanilang bahay sa Brgy. Paco Roman, Rizal, Nueva Ecija. Si Mario ay nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang bahagi ng dibdib samantalang sa leeg naman binaril ang kanyang maybahay na nagresulta sa agaran nilang pagkamatay. Agad namang nakatakas ang dalawang suspek sakay ang kanilang motorsiklo.

Samantala, ayon sa mga anak ng biktima na sina Cecilia Castro Maningas at Elizabeth Castro Pascual, wala silang alam na kagalit ng kanilang magulang at tumutulong pa ito sa mga mahihirap. Kaya naman nais nilang makamit ang hustisya sa sinapit ng kanilang magulang.

Bukod sa pagpatay sa mag-asawang Castro, napag-alaman din mula sa AMGL na mayroon pang panghaharas na ginagawa sa mga lider na magsasaka sa bayan ng Bongabon.

Si Perfecto Ramos, lider ng Liga ng Manggagawang Bukid sa Bongabon ay di umano’y minamanmanan at inaakusahang ng mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines na nagrerekrut ng kaanib sa New People’s Army.

Samantala, naninindigan ang grupo sa kanilang nais na matigil ang karahasan at pagpatay sa mga lider at karaniwang magsasaka.