Tinanggap na ng humigit kumulang tatlong 350 iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan na nag-aaral sa NEUST General Tinio, Cabanatuan City ang kanilang cash allowance na nagkakahalaga ng P2,500 noong November 13, 2018.
Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Doc Anthony Umali, kasama sina Bokal Peter Marcus “Macoy” Matias, Mark Allein Tolentino, Darrel Morales at mga kawani ng Provincial Government.
Ayon kay Doc Umali, dama ng kanilang pamilya ang hirap ng buhay dahil dinanas din nila ito noong sabay-sabay silang magkakapatid na nag-aaral sa sekondarya at kolehiyo.
Aniya, ang karanasan na ito ng kanilang pamilya ang pinaghugutan ng malasakit at pagseserbisyo ngayon sa mga mamamayan.
Malugod ding ibinalita ni Umali na ninanais ng Pamahalaang Panlalawigan na dumating ang panahon na hindi lamang allowance ang maibibigay sa mga iskolar kundi full scholarship na.
Pinayuhan naman ni NEUST Vice President Honorato Panahon ang mga benepisyaryo, na huwag sayangin ang tulong ng pamahalaan bagkus ay mas lalo pang pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Labis naman ang pasasalamat ng mga iskolar ng bayan.
Ang Stipend ng Provincial Government ay sinimulan taong 2011 Ni Former Gov. Aurelio Umali at ipinagpapatuloy ni Gov. Czarina Umali. Layunin na makatulong sa pagbibigay ng magandang kinabukasan para sa mga kabataang Novo Ecijano. –Ulat ni Danira Gabriel