Tayo ay nilikha upang maging kaisa at kabahagi ng buhay ng Diyos ngunit ito ay nasira dahil sa ating mga kasalanan, ngunit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang makipagkasundo at magbalik-loob sa Kanya.

Juan 3:16 “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay Niya ang kanyang bugtong na anak, upang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhayu na walang hanggan”.

Si Hesus, ang Salita ng Diyos, nagkatawang tao, ipinako sa krus at namatay upang sagipin ang buong daigdig mula sa mga kasalanan.

Tinatawag tayo ng panahon ng Kuwaresma upang magsakripisyo para sa kapwa, sapagkat “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa, tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya”. Nais ng Diyos na tayo’y magkaisa at magmahalan, talikdan ang anumang pag-iimbot sa ating mga puso at palaganapin ang pag-ibig na tulad ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang pagtulong sa kapwa ay itinuturing na pag-ibig sa Diyos, sapagkat tayong lahat ay nilikha Niya ng pantay-pantay. Ang lahat ng ating mga kasalanan ay marapat na idulog natin sa Kanya at tayo’y patatawarin Niya, gayundin  anumang pagkakasala ng ating kapwa ay marapat din na mapatawad natin sila.

Ito ang nais ng Diyos para sa atin, tigilan ang pag-aalipin at pairalin ang katarungan, tulungan ang mga nangangailangan, humingi ng tawad at magpatawad. Ang panalangin ay nagkakaroon ng silbi kung ito’y isasabuhay natin, sapagkat ito’y kaloob ng Diyos, iniibig natin Siya sa ating kapwa at sumasa-atin Siya.

Ang Kuwaresma ay mabuting pagkakataon upang pagtuonan ng pansin ang mga nagawa para sa atin ni Hesus sa krus, bagay na titimo sa ating mga puso upang talikuran ang maling pamumuhay.

Ito ang panahon para linisin ang ating mga puso’t isipan, talikdan ang mga kasalanan at mamuhay ng naaayon sa utos at aral ni Kristo. Upang matulungan tayong matupad ang mga layuning ito ay marapat nating pag-igtingin ang pagninilay sa Salita ng Diyos, manalangin, makipagkasundo sa Diyos at kapwa, at mag-ayuno.

Upang maging makabuluhan para sa atin ang panahon ng Kuwaresma, kailangan makita natin ito bilang panahon ng paghahanda sa pagdiriwang ng pinakadakilang misteryo ng ating pananampalataya.

holy week fb4