Dinaluhan ng mga opisyal mula sa pitong probinsiya ang dalawang araw na Directorate Meeting ng CLMA na ginanap sa kampo ng 70th Infantry Battalion sa barangay Canantong bayan ng Laur kung saan nagsagawa ng mga programa kabilang ang friendly fun shoot.

Ayon sa mga delegado ng CLMA, sa kasaysayan ng kanilang organisasyon ngayon lang nagkaroon ng ganito kasayang pagpupulong kung saan natuklasan nila na maaari pa lang maging magkaibigan at magkatulungan ang mga sundalo at mamamahayag.

Isinagawa ang pagtuturo ng tamang pamamaril sa mga kagawad ng media sa outdoor firing range ng Fort Magsaysay Military Reservation na sakop ng barangay Canantong sa bayan ng Laur.

Pinangunahan ni Captain Dindo Perez, Range Officer ang lecture tungkol sa fun shoot kung saan itinuro ang gun safety at marksmanship o ang sining ng paggamit ng baril sa mga miyembro ng CLMA at kanilang mga bisita.

Isa-isang tinuruan at inalalayan ng mga sundalo ang mga mamamahayag na humawak at gumamit ng baril.

Pagkatapos ng praktis ay nagkaroon ng kompetisyon sa pamamaril na hinati sa tatlong kategorya.

Nagwagi sa team category ang Nueva Ecija team number 2; sa individual category, isang babae at isang lalaki ang nanalo. Samantala, tatlo naman ang nakakuha ng award para sa kategoryang ambush me not.- Ulat ni Clariza De Guzman