Ang pagbaba ng presyo ng kuryente sa Cabanatuan City ang isa sa prayoridad ni Mayoralty Candidate Philip “Dobol P” Piccio kung sakaling siya ang mananalo sa darating na eleksyon.
Isa ito sa mga inilatag niyang plataporma sa ginanap na Ika-pitong Media Forum ng Nueva Ecija Press Club Inc. (NEPCI) noong March 29, 2019.
Ayon kay Piccio, buong buo ang kaniyang paniniwala na mahal ng P2-3 kada kilowatt ang presyo ng kuryente sa Lungsod ng Cabanatuan.
Ang rason aniya ay dahil sa sobrang pagpapataw ng singil sa System Loss ng CELCOR.
Ang System Loss ay ang nawawalang kuryente mula sa planta hanggang dumaloy sa mga bahay. Bahagi rin ng system loss ang mga ninanakaw na kuryente.
Base sa pinapahintulot ng Energy Regulatory Commission (ERC), nasa 8.5% lamang ang maaring ipataw sa System Loss ng isang Private Distribution Utilities na kagaya ng CELCOR.
Ngunit, ayon kay Piccio natuklasan niya na nasa 14% ang sinisingil ng nasabing kompanya.
Kung sakali aniya na palaring manalo tatrabahuhin niya na bumaba ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagpapasok ng iba pang Power Distributor Company at maglalagay din ng Complaint Help Desk sa City Hall upang mapakinggan ang mga takot na Cabanatueño na matagal na umanong nagtitiis sa pandaraya ng CELCOR.
Dagdag pa niya manalo o matalo, patuloy ang kaniyang paglaban sa problema ng kuryente sa Lungsod ng Cabanatuan.
Bukod sa isyu ng kuryente, prayoridad din ni Piccio na gawing libre ang legalisasyon sa mga tricycle drivers, libreng dialysis, magtayo ng Primary Class na ospital at eskwelahan.
Samantala, kasama ni Piccio sa mga dumalo sa Forum ang kaniyang mga kandidatong konsehal sa Team Save Cabanatuan na sina Norgen Castillo, Epoy Fernandez, Allen Tolentino at Jubal Esteban.
Kabilang sa mga programang prayoridad ng grupo ay ang scholarship program, health, tourism, youth at pagpapababa ng Real Property Tax (RPT). -Ulat ni Danira Gabriel