Hindi napigilang maiyak ni Aling Marcelina nang ibahagi niya sa amin ang kanyang naging karanasan noong sila ay pinapalayas sa kanilang tinitirhan.
Nakasama ang pamilya ni Aling Marcelina, sa mga residenteng napatalsik sa kanilang tinutuluyang bahay at lupa. Sa naganap na demolisyon sa Barangay La Torre at Barangay Maestrang Kikay sa bayan ng Talavera.
Kaya’t lubos ang kanyang pasasalamat ng malaman na naglaan agad ng Housing Project ang pamahalaang bayan ng Talavera para sa mga katulad niyang nawalan ng tirahan.
Isa lamang si Aling Marcelina, sa 96 na napagkalooban ng pabahay sa Neriville Village ng Municipal Government at National Housing Authority, sa naganap na House Blessing sa Barangay San Pascual sa bayan ng Talavera.
Naniniwala si Mayor Nerivi Santos-Martinez, na ang bahay ay isa sa mga pangunahing kailangan ng isang pamilya.
Ramdam umano ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng bawat mamamayan. Kaya’t bukod sa pabahay, ay binabalak na rin nila na bigyan ng panimulang puhunan ang bawat pamilya.
Handog naman ng Punong Barangay ng San Pascual ang libreng school supplies para sa mga batang mag-aaral ng elementarya.
Bukod sa pabahay, ay binabalak din nila na malagyan ng sariling Plaza at Day Care Center ang Village. – Ulat ni Danira Gabriel