Mapalad na napili ang bayan ng General Mamerto Natividad bilang isa sa tatlong munisipalidad sa Nueva Ecija na mabebenepisyuhan ng programang “Kapit-bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o Kalahi-CIDSS sa tulong ng LGU o Local Government Unit at Department of Social Welfare and Development Field Office III o DSWD.
Matatandaan na inilunsad ang programa sa Region III noong nakaraang taon kung saan Nueva Ecija ang unang probinsya na mabibigyan ng pagkakataon na mapondohan ng KC-NCDDP o Kalahi-CIDSS National Community Driven Development Program.
Bukod sa General M. Natividad, kabilang rin sa tatlong munisipalidad na mabebenepisyuhan ang bayan ng Quezon at Talugtug.
Ayon kay Melanie Barnachea, Regional Program Coordinator ng DSWD III, ang Kalahi-CIDSS ay isang community driven development project na nagbibigay ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pinag-igting na partisipasyon ng komunidad.
Nitong Biyernes lang ay isinagawa na ang Kalahi-CIDSS Criteria Setting Workshop sa bayan ng General Natividad kung saan nagtipun-tipon ang mga representante at mga kapitan ng kabuuang dalawampung barangay ng naturang munisipalidad.
Nauna na ring isinagawa sa bayan ang Municipal Orientation at mga Barangay Assembly kung saan ipinakilala ang programa at tinukoy na ang mga problemang kinakaharap ng kanilang komunidad.
Ayon kay General M. Natividad Mayor Areli Grace Herrera-Santos, ang pangunahing pangangailangan umano ng kanilang bayan ay source of income o employment at infrastractures.
Ngunit para sa kanya, dapat umanong i-focus sa infrastractures ang mga proyektong hihilingin nila sa KC-NCDDP.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na rin ang DSWD III para sa isasagawang Project Development Workshop at implementasyon ng mga proyekto sa nasabing bayan.
Nakatakdang maglaan ng kabuuang P67, 472, 367.00 ang Kalahi-CIDSS para sa mga isasagawang proyekto sa tatlong bayan ngayong taon na magmumula sa World Bank at sa Philippine government.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Mayor Santos at ng mga taga-General Natividad sa tulong at oportunidad na ibinigay ng programa para sa ikauunlad ng kanilang komunidad.- ULAT NI JANINE REYES.