Tamang presyo ng school supplies, inilabas ng DTI-NE

Inilabas ng Department of Trade and Industry Nueva Ecija ang bagong listahan ng price guide sa mga school supplies o gamit pang-eskwela nitong August 12, 2022.

Base sa inilabas na revised Suggested Retail Price o SRP, naglalaro sa P8 hanggang P13 ang kada isang piraso ng lapis habang P18 hanggang P27 ang presyo ng promo pack depende sa brand nito.

Nagkakahalaga naman ng P17 hanggang P37 ang kada isang piraso ng notebook habang ang promo pack nito ay nasa P129 hanggang P159 base din sa brand na ito.

Sa pad papers ay nakadepende rin ang presyo nito sa brand at sa kung pang-anong baitang ang papel na gagamitin.

Ang pinakamurang ballpen at eraser naman ay tinakdaan ng SRP na P8.75 ang isa., crayons by 8 colors ay P18, crayons by 16 colors ay P33.75, crayons by 24 colors ay P45.75, sharpener ay P14 habang ang ruler ay nasa P13 ang isa.

Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, nakatakadang magbago ang presyo ng Pencil Trio #2 sa darating na September 1, 2022 habang ang Pencil XL No. 2, Pencil No. 1,2,3, Pencil Trio XL No.2 at Sharpener Mongol Junior ay magbabago sa October 1, 2022.

Kung may katungan o reklamo sa kalidad ng school supplies o sa hindi pagsunod sa presyo na itinakda ng DTI ay maaaring sumangguni sa pinakamalapit na opisina ng ahensiya sa inyong lugar o maaaring magpadala ng mensahe sa kanilang facebook page na DTI-Nueva Ecija.