Binisita kamakailan ng Presidente at Founder ng Miss Heritage International Tare Munzara, Director na sina Nhlanhla Shabangu at Culvin Mavunga ang kanilang reyna na si Odessa Mae Tadaya matapos manalo ang Novo Ecijana Beauty Queen noong December 20 bilang Miss Heritage 2014 sa Johannesburg, South Africa.
Kauna-unahang pagkakataon ng pagbisita sa Pilipinas nina Munzara. Laking tuwa nila nang makitang muli si Tadaya nitong nakaraang Biyernes (February 6) sa Microtel, Cabanatuan City.
Layunin ng kanilang pagbisita sa Pilipinas ay makilalang mabuti ang nagwaging Ms. Heritage 2014 at mabati ang Pilipinas sa pagkakasungkit ng korona sa pangalawang edisyon ng kompetisyon.
Ang Miss Heritage Pageant ay itinatag noong 2012 sa Zimbabwe upang pagsama-samahin ang mga bansa, relihiyon at mga tao para sa iisang layunin na simulan ang pagbabago sa pamamagitan ng paggamit ng mga ipinamanang tradisyon, pangangalaga sa kultura, at pagpapanumbalik ng ganda sa mga antigong lugar na maaaring ipagmalaki ng bansa.
Ayon kay Munzara, ang edukasyon ang pinakaimportanteng sandata upang malaman ng komunidad ang kahalagan o pakinabang ng Heritage sa bansa.
Pakay din nila Munzara na malibot ang ilan sa magagandang lugar na maaaring pagdausan ng Miss Heritage sa mga susunod na taon dahil ani nila dito sa bansang Pilipinas nagmula ang isang magandang binibini na magiging daan upang mas lalo pang makilala ang bansa sa buong mundo.
Iba naman ang sayang naramdan ni Tadaya sa pagbisita nina Munzara dahil ito na ang simula ng kanyang tungkulin bilang Miss Heritage 2014.
Sa dalawang linggong itatagal nila Munzara sa bansa ay sasamahan ito ni Tadaya sa mga oras na kailangan ang kanyang paglilingkod.
Sa darating na Mayo ngayong taon ay magkakaroon muli ng Miss Filipinas Heritage kung saan ay tumatanggap na ng mga aplikante.- Ulat ni Shane Tolentino