Sinalubong ng isang magandang presentasyon ang humigit kumilang sampung libong delegado mula sa Region III na kalahok sa Regional Schools Press Conference 2017 sa Talavera, Nueva Ecija.

Pinaghandaang mabuti ng lalawigan ang paghohost sa nasabing event na tatagal ng dalawang araw. Nagkaroon ng opening program sa Crystal Waves Resort nitong November 22 at ipinagpatuloy ang patimpalak para sa elementarya sa Talavera National High School. Ginanap naman ang paligsahan para sa sekondarya nitong November 23.

Ayon sa Education Program Supervisor ng Schools Division Office ng Nueva Ecija na si Carmencita Gatmaitan, ito ang pangalawang beses na naging host ang lalawigan sa RSPC. Aniya, dahil sa suporta ni Governor Czarina “Cherry” Umali at ng ibang local government units ay napaghandaan at naipakita nila ang kagalingan at kagandahan ng Nueva Ecija.

Dagdag pa ni Gatmaitan, puro positibong komento ang kanilang natatanggap mula sa mga delegado ng RSPC 2017.

Ayon naman kay OIC Regional Director Malcolm Garma ng Region III, ang tema ng RSPC 2017 na “Embracing ASEAN Integration: Campus Journalists’ Role in Advancing Inclusive Education” ay tungkol sa pagpapaigting at pagpapalawak ng edukasyon hindi lamang sa konteksto ng mga Pilipino ngunit pati sa mga Asyano.

Dagdag pa ni Garma, ang RSPC ay isang taunang gawain na magsisilbing pagkakataon upang malinang ang galing at kakayahan sa pamamahayag na angkin ng mga estudyante.

Samantala, nagmula sa dalawampung dibisyon ng Region III ang mga estudyanteng maglalaban-laban sa iba’t-ibang kategorya gaya ng radio at TV broadcasting, photojournalism, collaboratrive publishing at iba pa. Bawat mag-aaral ay naghandang mabuti para sa kanilang laban sa RSPC.

Nagbabalita ang mga kalahok mula sa Malolos para sa kategoryang TV Broadcasting habang ginaganap ang Regional Schools Press Conference sa Talavera National High School.

Ang mga tatanghaling panalo sa RSPC ay siyang ipanglalaban sa national level na gaganapin naman sa Dumaguete City. –Ulat ni Irish Pangilinan