Mararamdaman mo agad ang debosyon ni Charrie sa baking kapag natikman mo na ang special sansrival niya na ipinagsamang crunchy at chewy habang sumisirit sa utak at panlasa ang butter-based na topping nito. Tulad ng pangalan ng pastry, wala talagang katulad ang alat-tamis at “utterly butterly” na sensasyon na dulot ng bawat kagat dito.
Tip: Hindi sasapat ang isang slice kapag nasimulan mo na ang pagkain ng sansrival ng Cakeworks, kung kaya’t imumungkahi naming bilhin ang buong cake at magtabi na rin ng para sa sarili bago isiping ibahagi ito sa mga kaibigan o kapamilya. Ang mahalaga, hindi ka mababaliw sa kahahanap ng isa pang slice dahil siguradong magkakaubusan agad.
Lumalabas naman ang pagka-metikoloso ni Charrie sa mga dinedekorahan nitong fondant cakes at cupcakes. Kung yung iba bumibili na lang ng gawa nang toppers o dekorasyon sa cakes at cupcakes, nagsisimula from scratch naman si Charrie pagdating dito.
“Mas gusto ko ang challenge ng cake decorating. Dito kasi na-e-express ko yung artistry sa bawat detalye ng dinedesign ko. Nagsisilbi siyang crowning glory ng cakes na binebake ko,” banggit ni Charrie.
Sa ganda at detalye ng mga cakes unang nakilala ang Cakeworks na sinimulan ni Charrie noong 2005, at hanggang ngayon ito ang binabalikan ng mga parokyano nito na mula pa sa iba’t-ibang lugar di lamang sa Cabanatuan o Nueva Ecija. Hindi rin pahuhuli ang panalong lasa at tamang timpla ng cakes mismo.
Tip ni Charrie: “Importante ang accurate measurement sa baking pati na rin ang pagiging pasensyoso habang nagmi-mix ng mga sangkap at nag-aantay na maluto ang cakes at pastries sa oven.”
“Tulad na lamang ng brazo de Mercedes,” dagdag ni Charrie, “sinubukan kong manual mixing lang sa cream kaya hindi masyadong umalsa ang cream. Kapag ganyan, inuulit ko gamit ang electric mixer kaysa hindi ma-satisfy ang clients ko. Ganun din ako sa design. Kapag hindi eksakto sa gusto ko at ng kliyente, hindi ako nagdadalawang-isip na palitan.”
Nang tikman namin ang brazo de Mercedes cupcake na sinubukan niyang i-manual mixer lang, mas nabitin kami dahil sa cupcake size nito imbes na dahil para kay Charrie kulang ang pag-alsa ng cream nito. Tulad kasi ng sansrival niya, hindi matatawaran ang mala-ulap na texture nito pati na rin ang di-nakakasawang dilaw nitong egg yolk-based stuffing at eksaktong tamis pangkabuuan.
Sa mga fans ng Cakeworks, patok ang cupcake creations ni Charrie na chocolate ang base. Nagmistulang art form na rin para sa kanila ang detalyadong pagdesign ng fondant toppers. Pero ang dapat din nilang madiskubre ay ang butter-based pastries ng Cakeworks tulad ng silvanas, sansrival at brazo de Mercedes na tunay na pinag-ukulan ng pagmamahal at pasensya upang masiguradong perfectly baked ang bawat magical creations na lumalabas sa oven ng Cakeworks patungo sa ating hapag-kainan.
Para sa karagdagang impormasyon:
Cakeworks
12 Imelda Avenue, Kapt. Pepe Subd., Cabanatuan City
Charrie Mallari Castro
Landline: (044) 464-7088
Viber: 0922-881-1800
Instagram: cakeworksbakeshop
Facebook: www.facebook.com/cakeworks.bakeshop
Email Address: cakeworks05@yahoo.com