Ang kapaskuhan ay panahon ng pasasalamat at pagbubunyi sa pagsilang ni Hesus. Nguni’t sa Cabanatuan, nagmistulang krus ang mga poste ng kuryente na pumako sa bawat Cabanatueno nitong pasko. Kung may Stations of the Cross, mayroon ding Substation of CELCOR ang Cabanatuan bunga ng halos 89-milyon pisong halaga raw ng substation na itatayo ng CELCOR para sa dagdag pangangailang-enerhiya ng isang “large mall operator” at ipababayad sa mga Cabanatueno.
Taumbayan ang magbabayad pero CELCOR ang maniningil at kikita. Maagang pamasko nga naman! Yun nga lamang, sa CELCOR ang pasko habang sa Cabanatuan naman ang kalbaryo. May krus na tayong pasanin sa taas ng singil ng kuryente, hinahagupit pa tayo ng karagdagang halos 89-milyong pisong substation na ipapataw sa mga kamay natin.
Ang masaklap pa nito, patagong ipinukpok ang mga pako at bibiglain na lamang tayong mga taumbayan na hindi lamang natin pasan ang krus kundi tuluyan na pala tayong ipinako rito.
UNANG KALBARYONG PAMASKO NG CELCOR: Gawing mangmang ang taumbayan.
Inilathala raw ng CELCOR ang anunsyo tungkol sa public hearing. Hindi nagmimintis ang buwanang paniningil ng CELCOR, pero hindi ba naisip ng CELCOR kahit minsan na isama sa billing ang ganitong klase ng anunsyo? Bagkus, nakipag-hide and seek ang anunsyo sa ilalim ng mga business pages ng mga pahayagan. Kasalanan pa natin ngayon na hindi tayo nagbabasa.
PANGALAWANG KALBARYONG PAMASKO NG CELCOR: Igisa ang Cabanatueno sa sarili nitong mantika.
Pangalawang kalbaryong pamasko ng CELCOR: igisa ang Cabanatueno sa sarili nitong mantika. Nang malaman ng Cabanatuan ang tungkol sa public hearing, bumulaga naman sa atin na hindi pa man nagsisimula ang public hearing, heto’t halos kumpleto na pala ng CELCOR ang pagpapatayo ng substation! Nagsilbing moro-moro o zarzuela ang public hearing. Kumbaga sa isang pagtitipon, matagal na palang niluto ng CELCOR ang ihahanda at mabibigla na lamang ang mga Cabanatueno dahil sila na ang ginisa sa sarili nilang mantika, sila pa ang ginawang taya sa 89-milyong gastos ng handaan.
IKATLONG KALBARYO: Paano natin malalaman na 89-milyong piso nga talaga ang ginastos ng CELCOR sa pagpapagawa ng substation?
Dahil sa sabi-sabi lang ng CELCOR kahit wala man lang public bidding na naganap? Ang ibig sabihin ba nito, automatic na kahit magkano pa man ang idiniktang pangangailangang dagdag-pondo ng CELCOR ay siya ring agarang kukunin sa mga Cabanatueno?
IKA-APAT NA KALBARYO: Taumbayan ang magtatanim, CELCOR ang kakain.
Hindi tulad ng ibang electric cooperatives, pribadong negosyo ang CELCOR. Walang nakukuhang dibidendo ang taumbayan dito. Ang lahat ng kinikita nito ay napupunta sa mga namamahala ng CELCOR. Kung ganun, bakit tayo ang dapat mamuhunan sa halos 89-milyong proyekto na sa kalaunan ay CELCOR lang ang maniningil at kikita?
PINAKAMATINDING KALBARYO NG MGA CABANATUENO: Ang negosyante sa likod ng CELCOR ay siya rin bang naninilbihan sa City Hall?
Kailan nga ba naging bentahe sa taumbayan na ang nagpapalakad ng pamahalaan nila ay isang negosyante, tulad ng si mayor Jay Vergara ay siya ring may-ari ng CELCOR? Ano ba ang paiiralin nito, profit o public service?
Kung tutuusin, may magagawa sana siya kung totoo ang sinasabi niyang mahal niya nga ang Cabanatuan. Samantala, habang namumukadkad sa isang kalendaryo ang mukha at pagbati niya at ng ilan pang kasamahan niya sa pulitika ng “Merry Christmas at Happy New Year”, ayun at isang pasabog na paskong pasakit na 89-milyong piso at naka-ambang dagdag-800% sa amilyar ang bagong taong handog ng mga ito sa mga Cabanatueno.
Het
o ba ang pagmamahal at public service na sinasabi nila?
Samantala, nasaan din ang mga kinatawan ng mga Cabanatueno na nangakong hindi sila iiwanang nakatanga sa mga ganitong panahon? Kung tunay na mahal ng mga konsehal at iba pang bumubuo ng pamahalaan ang mga Cabanatueno, bakit sila nananahimik sa nakaambang pagpasa ng 89-milyong pisong gastos ng CELCOR sa mga balikat ng Cabanatueno?
Iisa na lamang ba ang CELCOR at city hall ng Cabanatuan at para sa kanila, isang kumbenyenteng tapunan ng dagdag-pasanin ang taumbayan?