23 ANYOS NA ESTUDYANTE, PINASOK ANG IBAT IBANG RAKET PARA SA PANGARAP NA MINIMITHI
Pinanday ng panahon at pinagtibay ng mga unos ng kahapon, ito ang naging bunga ngayon ng pagsusumikap sa buhay ng 23 anyos na si Mark Anthony Pi-is Tumbaga ng Aparri, Cagayan, na ngangarap na balang araw ang tadhana ay sa kanya naman aayon.
Pagbabahagi ni Mark Anthony sa Balitang Unang Sigaw, parehong may karamdaman ang kanyang mga magulang at sa murang edad niya ay naghiwalay ang mga ito, kaya mag-isa siyang itinaguyod ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga kalakal at maliit na tindahan.
Kwento pa niya, limang piso ang kanyang baong pera tuwing papasok sa eskwelahan, at noong Grade 8 ay natutong magtrabaho sa bukid upang may maipantaguyod sa kanyang pag-aaral para sa kanyang pangarap na maging isang ganap na guro.
Nagtrabaho din ito bilang delivery boy sa grocery store tuwing walang pasok, sa weekdays naman ay sumasideline din pagsapit ng alas singko ng hapon, nagtinda ng ice candy sa kanilang eskwelahan at naging tricycle driver o service ng kanyang mga kaklase.
Dahil sa kanyang kayod kalabaw na pagtatrabaho ay nakapag-enroll siya sa Cagayan State University, Lasam Campus at kumuha ng Bachelor of Secondary Education, major in English.
Sa ngayon ay nananatili pa ring sumasideline si Mark Anthony para masuportahan ang kanyang practice teaching at iba pang gastusin para sa kanyang pagtatapos.
Ang lahat aniya ng pagsusumikap niyang ito ay para sa kanyang mga magulang na mayroong kanya-kanyang sakit, lalo na sa kanyang ina na matagal na niyang hindi nakapiling na dahil sa sakit na epilepsy ay kung saan-saan na rin nakararating.
Hinihintay ni Mark Anthony ang isang umaga na mayroon na itong permanenteng trabaho at hindi na kailangang hatiin ang oras sa iba’t ibang trabaho para maiuwi at maalagaan ang kanyang ina.
Mensahe ni Mark Anthony sa kapwa niya estudyante na maswerte sila dahil pinag-aaral sila ng kanilang mga magulang kaya sana ay maging inspirasyon daw siya ng mga ito upang pagbutihin ang kanilang pag-aaral at huwag sayangin ang pagsusumikap ng kanilang mga magulang para sa kanila.
Para naman sa kapwa niya working student ay sinabi niyang ipagpatuloy lang ang laban, kapag napagod ay maaari namang magpahinga pero huwag na huwag susuko dahil nariyan ang Panginoon na magbibigay sa kanila ng lakas para magpatuloy.