Pinag-aaralan na ng DepEd o Department of Education ang pagbibigay ng non basic wage benefits sa mga guro kaysa tumutok sa salary hike.
Ang nasabing plano ay iprinisinta na nila kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at agad namang inatasan ng pangulo ang ahensiya na pag-aralan pa itong mabuti.
Ipinaliwanag ni DepEd Spokesperson Michael Poa na mas pinili nila ang mas maraming benepisyo sa halip na umento sa sahod dahil maraming factors ang kailangan pang ayusin para maisakatuparan ang matagal na inaasam-asam ng mga guro.
Dagdag pa ni Poa, taun-taong tumataas ang sweldo ng mga guro simula noong 2019 sa ilalim ng Salary Standardization Act at ang final tranche nito ay ipatutupad ngayong taon.
Sa kasalukuyan ay naghahanap ng ibang paraan ang DepEd upang magbigay ng allowance sa mga guro bilang pandagdag sa kanilang mga pangangailangan.