LIBRENG TUITION FEE, DORMITORY, CASH ALLOWANCE, HANDOG NG KAPITOLYO SA MGA SCHOLAR NG BAYAN
Ipinagpapasalamat ng mga Scholars ng Bayan ang prebilihiyong ibinigay sa kanila ng Provincial Government ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng libreng tuition fee, miscellaneous, cash allowance at higit sa lahat libreng dormitoryo para sa mga mag-aaral ng Eduardo Joson Memorial College.
Kaya ayon kay Edwin Pilapil na kasalukuyang nag-aaral sa ELJMC 3rd year college na may kursong Bachelor of Science in Secondary Education, malaking tulong sa kanila ang maging scholars.
Kung dati raw ay wala na siyang balak mag-aral dahil sa hirap ng buhay.
Maliit lang kasi ang kinikita sa pagsasaka ng kanyang tatay na kung kailan anihan tsaka lamang kikita na sapat lamang para sa pambili ng kanilang pagkain.
Para kay Nicole Talastas isang 3rd year student sa ELJMC na may kursong BS Accounting Information System, malaking tulong na maging isang scholar ng bayan dahil hindi na intindihin ng kanyang mga magulang ang gastusin sa kanyang pagaaral dahil pagtitinda lamang ng kakanin ang pinagkakakitaan ng kanyang nanay at wala namang permanenteng trabaho ang kanyang tatay.
Malaking pasasalamat naman ang ipinaabot ni Elmer Prochina kay Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc Anthony Matias Umali sa pagbibigay sa kanya ng ganitong oportunidad at sa mga gaya niyang nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral, bagaman siya ay taga Mindanao at walang kamag-anak dito ay may mga kumupkop sa kanya na kanyang tinatanaw na utang na loob.
Sa ngayon si Elmer ay nasa 3rd year college na sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education Major in Mathematics.
Pasasalamat din ang ipinaabot ng Presidente ng Eduardo L.Joson Memorial College na si Doctor Mariel Cruz sa Ama ng Lalawigan sa patuloy na tulong at suporta lalo na sa pagpapaayos at pagpapaganda ng Provincial Dormitory.
Sa kasalukuyan ang ELJ Memorial college ay mayroong 200 na Scholars ng Bayan.