PROVINCIAL GOVERNMENT OF NUEVA ECIJA, NAKIISA SA SELEBRASYON NG ORAL HEALTH MONTH

Nakiisa ang Provincial Government of Nueva Ecija sa selebrasyon ng National Oral Health Month nitong buwan ng Pebrero na may temang “Healthy and Beautiful Smile beyond miles.

Layunin nito na mapalakas ang public awareness tungkol sa kahalagahan ng good oral health.

Sa pamamagitan ng Provincial Health Office ay naisakatuparan ng dalawang district hospital sa lalawigan ang pagbibigay ng libreng check-up at pag-apply ng fluoride varnish sa mga ngipin ng mga batang nasa 4 hanggang 9 na taong gulang.

Halos 1,000 estudyante mula sa Lupao, San Jose City, at Llanera ang mabebenipisyuhan ng San Jose City General Hospital sa pangunguna ni Dr. Mary Ann Farin habang nasa 500 daycare student mula sa Sto Domingo ang maseserbisyuhan ng Sto. Domingo District Hospital sa pamumuno ni Dr. Mark Corpuz.

“Bukod don sa counselling at health promotion ay yung proper tooth brushing technique, bumababa sila sa mga community, pumupunta sila sa mga daycare pupils, daycare schools at nagtuturo sila ng proper toothbrushing technique sa mga bata natin, sa mga nag-aaral sa daycare.

“Pangalawa, Sa mga nanay na nandodoon ay tinuturuan naman nila kung paano mapapangalagaan ang mga ngipin ng kanilang mga anak sa pagbibigay ng mga pagkain na makakasuporta sa magandang pagtubo ng kanilang mga ngipin.”

Sa aming panayam kay Dr. Farin, kung sakaling hindi mapapangalagaan ang ngipin at hindi tama ang pagsisipilyo ay maaari umanong maging sanhi ito ng sakit sa puso. Ang isang pasyente ay maaaring magkaroon ng Congestive Heart Failure at Hypertension kung hindi ito maaagapan.

Payo ni Dr. Farin na maiging alagaan ang mga ngipin, magsipilyo ng dalawang beses sa tagal na dalawang minuto araw-araw at pumunta sa dentista para sa regular na check-ups dahil ang ngiting maganda ay kayamanang kailangang alagaan.

Ang Oral Health Month ay batay sa Presidential Proclamation No. 559 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na taon-taong sinusuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali.