MULTI-PURPOSE GYM NA HANDOG NG KAPITOLYO SA RIZAL, SILUNGAN NG ANING PALAY SA TAG-ULAN
Malaking pasasalamat ang ipinaaabot ng mga taga Barangay Casilagan, Rizal, Nueva Ecija sa Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali sa ipinagkaloob sa kanilang bago at malaking multi-purpose gym.
Pagsasaka ng palay ang pangunahing hanapbuhay at pinagkakakitaan ng mga naninirahan dito sa Barangay Casilagan.
Napakalaking tulong umano sa kanila ang gymnasium na ipinatayo sa kanilang barangay lalo na kapag panahon ng tag-ulan, dahil dati ay kung saan-saan nalang nila inilalagak ang kanilang mga aning palay.
Kapag panahon naman ng tag araw ay mas malaking tulong rin ito para sa lahat bilang palaruan ng mga bata, paliga sa barangay na siyang pangunahing libangan ng mga kabataan.
Nagagamit din umano ang nasabing Gym sa mga Religious gathering, sa mga pagpupulong ng mga senior citizens, sa mga may birthday, lalo na kapag birthday at debut ng kanilang mga anak at lalong lalo na kapag may kasal sa kanilang barangay.
Dito na ang palaging pangunahing venue sa kahit na anong okasyon sa kanilang lugar dahil sa panahon ng tag-ulan o tag-araw ay siguradong hindi na magiging hadlang ang panahon dahil safe na safe na umano sila sa luwang at tibay nito.
Katunayan ngayong buwan ng Abril ay magagamit na sa kasal ng anak ni kapitan Larry ang naturang multi-purpose hall na kanyang ipinagpapasalamat.
Pasasalamat din ang ipinaaabot ni kagawad Rita Angelito sa pamahalaang Panlalawigan bagaman maliit lang umano ang kanilang Barangay ay napakalaking gym naman ang ibinigay sa kanila.
Ayon naman kay Engineer Gerald Domingo ng Provincial Engineering Office, sinimulan ang proyektong ito noong March 2022 at natapos noong August 2022 na mas maaga sa contract duration nito at may pondong nagkakahalaga ng 4.6 million pesos.