Inihatid na kahapon si Raymond ‘Emon” Jose sa kanyang huling hantungan sa Sta. Rosa Memorial Park sa barangay Soledad Sta. Rosa.

Ang mga nakiramay sa pagkamatay ni Raymond “Emon” Jose habang inihahatid siya sa kanyang libingan sa Sta. Rosa Memorial Park.
Pinaniniwalaan ng pamilya at kaanak ni Jose na pulitika ang motibo sa likod ng pamamaslang dito dahil plano daw sana nitong kumandidatong kapitan sa barangay Zamora, ng naturang bayan.
Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Roberto Galang, tiyuhin ni Raymond, inihayag nito na sinabi mismo sa kanya ng pamangkin bago ito mamatay na may tila nagbabanta sa buhay nito simula ng kumalat ang impormasyong tatakbo ito bilang Punong Barangay.
Matatandaan na si Raymond ay binaril ng riding in tandem sa likod ng kanyang ulo habang nanonood ng TV sa kubo sa tapat ng kanyang pag-aaring junkshop sa barangay Gomez, Sta. Rosa.

Ang pamilya at kaanak ng pinaslang na si Raymond “Emon” Jose bago ang Necrological service sa St. Rose Lima Church sa bayan ng Sta. Rosa.
Ayon kay Anastacia Jose, ina ni Emon, mabuting tao ang kanyang anak at wala siyang alam na kagalit nito kaya wala siyang ibang maisip na dahilan kung bakit ito pinatay. Wala rin aniya itong bisyo, kung lumalabas at napapainom man daw ang kanyang anak, ay dahil lang sa nakikisama ito sa mga tao at kaibigan.
Ibinulalas din ni aling Anastacia sa aming panayam ang pagtutol nito sa planong pagpasok ni Raymond sa pulitika dahil gusto nitong makatulong sa mga kabarangay.
Nananawagan ang pamilya at mga kaanak ni Emon sa mga otoridad na sana ay matukoy at mahuli na ang mga pumatay dito upang makamit ang hustisya.- ulat ni Clariza de Guzman