GAPAN, BONGABON, WAGI SA MR. AND MS. BSP 2023

Itinanghal na Mr. and Ms. Provincial Jamboree 2023 ang representante mula sa Gapan City at Bongabon sa ginanap na Grand Finals Tuklas Talino ng 51st Boy Scout of the Philippines o BSP Jamboree sa Palayan City, Nueva Ecija nitong February 8.

Naiuwi ni Marc Daniel Galano na mag-aaral ng Juan R. Liwag Memorial Highschool sa lungsod ng Gapan ang Mr. Provincial Jamboree 2023 habang si Cristina Lorraine Pangan ng Bongabon Senior High School ang itinanghal bilang Ms. Provincial Jamboree 2023.

Siyam na iba pang kalahok ang dinaig nina Galano at Pangan mula sa iba’t ibang distrito ng lalawigan upang makamit ang titulo.

Hinirang din sa nasabing kompetisyon bilang 1st runner up sina Rench Algen B. Gregorio ng Bongabon National High School at Zumi S. Abuan ng Talugtug National High School Annex; 2nd runner-up sina Yommy Legaspi ng Divina Pastora College, Gapan City at Jonaby Diaz ng Rio Chico National Highschool; 3rd runner-up sina Lenard Alivia ng Bongabon Senior High School at Arra Mananghaya ng Penaranda National High School; at 4th runner up sina Allein Rey Traspe ng Talugtug National High School Annex at Celine Lucyll M. Sangalang ng Talavera National High School.

Samantala, nagpasiklaban din sa pagrampa ang sampung sumali sa That’s My Boy Scout 2023. Agaw pansin si Lance Harvey Manuel na estudyante ng San Ricardo Elementary School kaya nakuha nito ang titulo habang 1st runner-up si Levi Benedict Abrajano ng Munoz North Central School, 2nd runner-up si Erickson Argie Alipio ng San Francisco Elementary School, San Antonio, 3rd runner-up si Jabnier Gabriel ng Sta Rosa District at 4th runner-up si Harry Dela Cruz ng Platero Elementary School sa General Natividad.

Bukod dito ay nagkaroon din ng Solo Singing Contest at Folk Dancing Competition sa nasabing aktibidad.

Nagbigay naman ng mensahe si Vice Governor Anthony Umali sa mga scouts ng Nueva Ecija na magkaisa at matutong makipag-ugnayan sa kapwa na siyang magandang layunin ng nasabing camping.
Pasasalamat naman ang inihahatid ni Mark Ren Villaflor, isa sa mga organizer ng Tuklas Talino kina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali sa lahat ng suporta na ibinigay sa BSP.

Dahil sa ginawang pagtitipon-tipon ng mga scout sa lalawigan ay natutong mamuhay ng sarili, nalinang ang kanilang mga talento, at higit sa lahat ay nagkaroon sila ng tiwala sa sarili.