ORDINANSA SA PAGSASARA NG VERGARA BRIDGE, DINEKLARANG INVALID NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Inirekumenda ng Committee on Laws, Rules and Regulations at Legal Office na invalid ang Ordinance No. 030-22 ng City Government ng Cabanatuan na nag-uutos sa pansamantalang pagsasara ng Vergara Bridge.
Sa ulat ni Sangguniang Panlalawigan Secretary Atty. Norberto Coronel sa 7th Regular Session, base sa opinyon ng Legal Office dahil hindi tukoy o nakalagay sa ordinansa kung kailan sisimulan at hanggang kailan matatapos ang pagsasaayos ng tulay ay ipinagpalagay itong permanenteng pagsasara.
Dahil ipinagpalagay na permanente ang pagsasara ng tulay ay dapat daw na nagbigay ang City Government ng re-routing o alternatibong ruta.
Dagdag ni Sec. Coronel, hindi sapat ang datos na ibinigay ng City Government tulad ng kung gaano kagrabe ang sira ng tulay para sa emergency o apurahang pagsasara nito at ayon aniya sa pananaw ng Legal Office, kung mayroong emergency dito dapat ay naisara na ito pagka-apruba pa lamang ng ordinansa at hindi na inabot ng ilang buwan.
Sinabi ni Vice Governor Anthony Umali, base sa findings ng legal office kung buwan pa pala ng Setyembre nakaplano ang pagsasara ng Vergara Bridge at may “emergency” sa pagsasara nito, bakit hindi agad naibigay ang ordinansa sa Sangguniang Panlalawigan para mareview at mabigyan ng agarang aksyon.
Sa talakayan sa Usapang Malasakit sa Lipunan noong February 9, 2023, ay sinabi nina Governor Aurelio Umali at Provincial Tourism Officer Atty. Joma San Pedro na ayon sa Section 56 ng Local Government Code, tatlong araw matapos maaprubahan ang ordinansa ng mga LGUs ay kailangan na itong ipasa sa Sangguniang Panlalawigan para mareview.
Hirit ni Bokal Eric Salazar, may ilang mga reklamong nakararating daw sa kanila na wala namang gumagawa sa naturang tulay kaya ang tanong aniya ng taumbayan hanggang kailan ito ipasasara, maaari namang mag-motion for reconsideration ang City Government para maibigay ang mga kulang na dokumento o requirements para maging valid ang kanilang ordinansa.
Hindi rin naman pabor si Vice Governor Anthony na buksan ang Vergara Bridge dahil delikado ito, ngunit dahil mauubos na ang 30 days para sa pagrepaso ng ordinansa ay kailangan na nila itong aksyunan, pero oras na makumpleto ng City Government ng Cabanatuan ang mga hinihinging requirements ay idedeklara naman nilang valid ito.
Sa kasalukuyan ay nagpapadaan na ng kotse at maliliit na sasakyan sa Felipe Vergara Highway.