ESTUDYANTENG DUMANAS NG PAMBUBULLY, IDINAAN SA TULA ANG PAGPUPUGAY SA KAPWA TINDERO

Idinaan sa tula ng second year BS Criminology student na si Harrison Cabrera Marquez ang kanyang pagbibigay pugay sa kapwa niya mga nagtitinda ng kung anu-ano bilang hanapbuhay.

Ayon sa kanyang tula na ibinahagi niya sa Batang Guimba Facebook Page, kadalasang maliit ang tingin ng iba sa pagiging tindero o tindera gayong dugo at pawis ang kanilang puhunan makapaghatid lamang ng pangunahing kailangan ng masa.

Magkagayunman ay baon aniya niya ang tibay ng katawan upang makapaghanap buhay ng marangal kaya marapat lamang na sila’y pahalagahan.

Kwento ni Harrison, sampong taon pa lamang siya ay natuto na siyang magtinda ng kahoy na panggatong hanggang sa pagtitinda ngayon ng tinapa at iba pa.

Naranasan din daw niya ang pagtawanan ng kanyang mga kaklase noong siya ay nasa Grade 7 pa lamang dahil sa kanyang pagtitinda ng prutas sa kanilang paaralan.

Bagaman parehong may trabaho ang kanyang mga magulang at dalawa lamang silang magkapatid ay ninais na nitong makatulong sa kanyang mga magulang para hindi siya matigil at makapagtapos ng pag-aaral.

Suportado din aniya siya ng kanyang mga magulang sa kanyang pagtitinda kaya kahit nakaranas ng pambubully ay hindi niya ito itinigil.

Para kay Harrison, sa hirap ng buhay dapat ay iwasan ang pag-iinarte dapat aniya ay maging madiskarte, basta walang inaapakang tao at marangal ang ginagawa mo ay ipagpatuloy lamang ito para sa pagkamit sa pangarap na ninanais mo.