PBBM: VOTER EDUCATION, ISAMA SA K-12 CURRICULUM
Pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa plano ng Commission on Elections na isama ang voter education sa K-12 curriculum hanggang sa kolehiyo.
Sa ginanap na 2023 National Election Summit, inihain ang panukala na may layong maituro sa murang edad ng mga kabataan ang kahalagahan ng election process para sa tamang pagpili ng mga nais nilang maging lider sa bansa at komunidad.
Sa kanyang talumpati sa nasabing aktibidad, hinimok ng pangulo ang sambayanan na suportahan ang mga kailangang reporma sa proseso ng eleksiyon para matiyak ang malaya, malinis at may kredibilidad na halalan. Kailangan umanong seryosohin ang mga nabuong rekomendasyon at mga kasunduan mula sa summit upang maipatupad ang mga ito.
Sinabi rin ng pangulo na sa tulong nga teknolohiya ay magiging mabilis at masisigurong tama ang lalabas na resulta sa bawat halalan na mangyayari sa bansa para hindi magbago ang pagiging sagrado ng botohan at tiwala ng mga tao.
Ipinahayag naman ni COMELEC Chairman George Garcia na ang pagsama sa kurso o asignatura sa curriculum ng voter education ay nangangahulugan na kahit sa Kinder level ay pwedeng maituro ang mga maling pagbebenta ng boto at kung paano pumili ng tamang pinuno ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na bukas siya na mapabilang ito sa sistema ng edukasyon sa bansa. Binigyang-diin ng Bise Presidente ang maagang pagbibigay ng honorarium sa mga guro na magsisilbi sa darating na eleksiyon dahil madalas na reklamo ng mga ito ang pagkaantala sa kanilang bayad.
Ayon kay Garcia, posible naman na mai-advance ang payment tulad ng kanilang ginawa noong nakaraang eleksiyon ngunit kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) dahil sa ilang alalahanin.
Ang nakaraang summit ay napapanahon upang mapaigting ang mga paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sanggunian Kabataan Elections sa Oktubre.
Samantala, inilabas na ng COMELEC ang Resolution No. 10899 na nagtatakda ng Calendar of Activities sa nalalapit na Barangay at SK elections na gaganapin sa October 30, 2023. Sa July 3-7 ay nakatakda ang Filing of certificate of candidacy, July 3-November 14 ang Election Period, October 19-28 ang Campaign Period at November 29 ang Last day ng pag file ng Statement of Expenditures o SOCE ng lahat ng mga kumandidato.