HALOS P118-B NA HOME LOANS NG PAGIBIG FUND, NAIPAMAHAGI SA HIGIT 100K MIYEMBRO
Naipamahagi sa 105,212 miyembro ng Home Development Mutual Fund o PAGIBIG Fund ang nagkakahalaga na P117.85 billion na home loans noong 2022.
Sinabi ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapaglabas nang pinakamataas na halaga ang ahensiya sa mahigit 100,000 bahay sa loob lamang ng isang taon.
Ang kabuuang nailabas na loan ay mas mataas ng 21 percent o P21.57 bilyon kumpara noong 2021 na mayroon lamang na P97.28 billion.
Sa aming panayam kay Pag-IBIG Branch Head Reigh Luis Pasaraba ng Cabanatuan City, sa mahigit 100,000 na miyembro sa Nueva Ecija ay mayroong kabuuang 3,181 members ang nag-apply ng home loan sa lalawigan noong January hanggang December, 2022.
Ayon kay Pasaraba, para makakuha ng bahay ay kinakailangan na ikaw ay miyembro ng Pag-IBIG, nakapaghulog ng 24 months contribution, may legal na kapasidad at kumuha ng ari-arian at hindi hihigit sa animnapu’t limang (65) taong gulang.
Kung ikaw ay pasok sa hinihinging requirements ng ahensiya, maaari nang mag-apply ng personal sa kahit na anong pinakamalapit na Pag-IBIG branch sa inyong lugar.
Kailangang sagutan ang ibibigay na Housing Loan application form at siguraduhing dalhin ang mga dokumento tulad ng titulo ng lupa, photocopy ng isang valid na ID, proof of income, map o vicinity sketch ng property, photocopy ng Tax Declaration (house and lot), Real Estate Tax Receipt at bayad na P3,000 para sa processing fee at P2,000 naman sa appraisal fee.
Matapos ang prosesong ito ay hintayin lamang ang tawag ng opisina. Kung naaprubahan ang iyong application ay maaari ka nang tumira sa napili mong bahay at magsimulang maghulog ng bayad buwan-buwan sa mgaOver the Counter, Bayad Centers, Gcash, at Paymaya.
Kung sakaling na -disapprove ang aplikasyon ay bibigyan ng 30 working days ang isang miyembro para maipasa ang lahat ng mga hinihinging dokumento ng tanggapan.
Ang Pag-IBIG Fund ay isang ahensiya ng gobyerno na naglalayong makakuha ng abot-kayang pabahay sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbigay ng loans sa mga miyembro nito sa pinakamababang interest.