INDUSTRIYA NG PAGBABABOY SA CUYAPO, INAASAHANG MULING PASISIGLAHIN NG BABAY ASF PROGRAM

Inaasahang muling bubuhayin at pasisiglahin ng “Bantay ASF sa Barangay” (BABAy ASF) Program ng Department of Agriculture ang industriya ng pagbababoy sa bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija.

Ayon kay Veterinarian Kristine Marie Cambe ng Municipal Agriculture Office, bumuo ang Sangguniang Bayan ng Cuyapo ng ordinansa upang ipatupad ang naturang programa sa kanilang lugar na inaprubahan naman ng Sangguniang Panlalawigan.

Sa ilalim ng ordinansa ay bumuo ang lokal na pamahalaan ng Cuyapo ng Barangay Task Force na magiging katuwang nila para sa pagpigil ng pagpasok ng mga kontaminadong karne o buhay na baboy sa kanilang bayan.

Hahanapin sa mga magtatangkang magpasok ng processed meat, frozen meat o mga karne at buhay na baboy sa Cuyapo ang Veterinary Health Certificate at Shipping Permits, ang mga bigong makapagbigay nito ay hindi papasukin sa naturang bayan.

Ani Dr. Kristine, nang pumutok noong 2020 ang African Swine Fever marami sa kanilang mga kababayang nag-aalaga ng baboy ang naapektuhan kung saan huli silang nakapagtala ng kaso noong 2021 na naging sanhi ng pagbaba ng mga pig raisers sa kanilang lugar.

Bahagi ng BABAy Program ang pagbibigay ng Biosecurity Seminars sa apat napu’t limang pig raisers na benepisyaryo nito, kung saan tatanggap din sila ng tig-3 sentinel animal o mga biik bilang panimulang alagain na may kasamang libreng feeds.

Kinakailangang maalagaan sa loob ng 40-45 days nang walang anumang sintomas ng ASF ang mga biik na ito na isasailalim din sa testing.

Kapag ang lahat ng mga biik na ito ay nagnegatibo sa ASF ay maaari na aniyang maalis sa listahan ng ASF infected zone ang bayan ng Cuyapo.

Nagpasalamat naman si Dr. Kristine kina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali sa kanilang suporta upang muling manumbalik ang sigla ng pag-aalaga ng baboy hindi lamang sa kanilang bayan kundi maging sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.