30 LIFE SIZED BELENS SA TARLAC, SUMALANG SA FINAL JUDGING

Sumalang na sa final judging ang 30 life sized belen na entries sa 15th Belenismo sa Tarlac noong Sabado, November 19, 2022.

Nilibot ng 15 hurado mula sa iba’t ibang prestihiyosong newspapers, TV stations at multimedia ang 9 na entries sa Community category, 6 sa Church category, 6 sa Monumental category, 3 sa Grand Non-Municipal category at 6 sa Grand Municipal category.

Mag-uuwi ang first prize sa Community Category ng Php70, 000, Php50, 000 para sa second prize at Php40, 000 sa third prize; Php80, 000 naman ang matatanggap ng unang gantimpala sa Church Category habang Php50, 000 para sa ikalawang pwesto at tatanggap naman ng Php40, 000 ang ikatlong pwesto; para sa Monumental Category magwawagi ng Php80, 000 ang unang pwesto, Php60, 000 naman sa pangalawa at Php50, 000 sa pangatlo; sa mga mangunguna naman para sa Grand Non-Municipal at Grand Municipal ay magkakamit ng tig Php100, 000 habang Php60, 000 para sa mga papangalawa at tig Php50, 000 para sa pangatlo.

Mula sa 51 entries ay 30 ang matibay na natira na nagbibigay ng ningning at liwanag tuwing sasapit ang alas 6 ng gabi sa lalawigan ng Tarlac, na nakadagdag atraksiyon sa mga lokal at turista mula sa iba’t ibang probinsya.

Sa ikalabing limang pagkakataon ay ipinamalas ng mga Tarlaqueno ang kanilang natatanging husay sa paggawa ng life-sized Belen na naging tampok na tuwing nalalapit ang kapaskuhan, sa pagsusumikap ng Tarlac Heritage Foundation.

Gawa ang mga Belen na ito sa mga recycled materials tulad ng takip ng soft drinks, paper plates, plastic cups, egg trays, electricfan blades, sirang silya at iba pa na dinagdagan ng iba’t ibang palamuti at pailaw upang mas lumitaw ang pagiging malikhain ng mga Tarlaquenos.

Bawat entries ay nagkaroon din ng mga pagtatanghal kung saan tampok ang mga talento sa pag-awit at pagsayaw ng mga kabataan at mamamayan ng Tarlac, na nagpadagdag ng kasiyahan sa mga manunuod.

Simbolo ng bagong pamunuan at panibagong paglalakbay patungo sa new normal matapos ang dalawang taong pandemya ang entry ng Munisipalidad ng Capas, ayon kay Mayor Roseller “Boots” Rodriguez.

Inaasahang iaanunsiyo ang mga mananalo sa November 26, 2022 o sa December 3, 2022.