Isinusulong ng UP Circuit ng UP Diliman, Quezon City ang wastong pamamaraan ng pagtatapon ng electronic waste sa mga kabahayan sa ilalim ng E-waste Project.

Ito ay isang kampanya upang itaas ang kamalayan at turuan ang mga tao sa banta ng dumaraming bilang ng hindi tamang pagdidispose ng sira o hindi ginagamit na mga electronic devices gaya ng cellphone, tablet, computer, television, washing machine, radio at iba pang mga kagamitan na ginagamitan ng baterya o kuryente.

Layunin ng proyekto na kolektahin at hikayatin ang pagre-recycle ng mga e-waste na mapanganib at nakalalason na mga materyales para mapangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng mga mamamayan.

Nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay nagsagawa ang organisayon ng digital art at video making contest kung saan nilahukan ng ilang eskwelahan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Wagi sa digital art contest ang Tool of Tools ni Diademn Star M. Prudente, 2nd place ang E-Waste Resurgence ni Mask Marcelino, at 3rd place ang Futuro Nature ni Zacharie Joy Teodoro habang panalo bilang 1st place sa video making contest ang ICARUS nina Xten and Yna at 2nd place ang E-waste Hurdle: An Awakening before Nightmare ng PHSI B.

Ayon kay Jiezel dela Rosa Co-Head of The E-waste Project, may mga establishments sa buong Pilipinas na namamahala sa e-waste recycling program na accredited ng DENR o Department of Environment and Natural Resources.

Ilan sa mga Treatment Storage Disposal facilities sa Central Luzon ay ang ADL Envirotechnology Incorporated sa Sitio Binasak, Mabiga, Hermosa, Bataan; RECYTECHPHIL Incorporated sa Bocaue Bulacan, DOLOMATRIX Philippines sa Calibutbut, Bacolor, Pampanga; Clean Leaf International sa Brgy. Anupul, Bamban, Cutcut, Capas Tarlac; at Jack Electronic Metal Incorporated sa Olongapo City, Zambales.

Dito naman sa Nueva Ecija, kabilang rito ang Glochem Marketing and Recycling Corporation sa Purok 6, Brgy. San Roque, sa bayan ng San Isidro na handang tumulong upang maitapon ng maayos ang mga e-waste.

Payo ni Dela Rosa sa publiko, kung malayo sa atin ang e-waste recycling center ay maaaring makipag-ugnayan tayo sa Provincial DENR dito sa Nueva Ecija upang dalhin ang ating e-waste.