PAGTANGGAL NG VAT SA ILANG PUBLIC UTILITIES, PINAG-AARALAN NG KAMARA
Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. na pag-aralan ng Kamara ang posibilidad na pagtanggal ng Value Added Tax (VAT) bago pa man ihaing muli ng MAKABAYAN Bloc ang panukala na alisin ang 12 percent system loss sa kuryente, tubig at maging sa toll fees.
Sinabi ni House Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na ang kautusan ng pangulo ay ipinadala sa pamamagitan ng intermediaries secretary noong Oktubre bilang tugon sa iba’t ibang isyu sa ekonomiya ng bansa at para na rin sa kaluwagan ng mga consumer.
Aniya, kung sakaling ituloy ang pag-alis sa VAT ay posibleng itaas nila ang franchise tax ng utility companies partikular sa tubig.
Posible umanong gayahin ang sistemang kanilang inilagay sa mga water concessionaries kung saan inalis ang 12 porsiyentong VAT sa singil ng mga mamimili ngunit ang mga buwis sa prangkisa sa mga kumpanyang ito ay tumaas.
Tiniyak niya na hindi ipapasa sa mga konsumedores ang pagtaas ng buwis sa prangkisa dahil ipinagbabawal ito ng National Internal Revenue Code.
Paliwanag ni Salceda na hindi kinakailangang bumaba ang koleksiyon sa gobyerno dahil ang kita mula sa buwis na ito ay ginagamit para sa mga programang panlipunan tulad sa edukasyon, kalusugan at imprastraktura.
Ang resulta ng pag-aaral at rekomendasyon ay naisumite na sa Office of the President. Ilalahad ng komite ang findings sa sandaling maisalang ang mga Anti-VAT Bills sa Ways and Means panel.