KABUTIHAN NG GURO SA KANYANG ESTUDYANTE SA PALAYAN CITY, UMANI NG PAPURI SA SOCIAL MEDIA
Umani ng mga papuri ang guro na si Sir Melvin Palos ng Palayan City National High School nang kunan ito ng larawan habang karga-karga nito ang anak ng kanyang estudyante na nag-eexam noong October 26, 2022.
Ipinost ito ng Grade 10 Class President na si Emilee Joie Calim, sa kanyang Facebook account na Joie Joie kung saan umabot ng 2.1K ang reactions, 206 comments at 717 shares.
Ayon kay Sir Melvin, nagpaalam ang kanyang estudyante na si Stephanie Pagaduan na liliban sa klase noong araw na iyon dahil walang mag-aalaga sa kanyang 11 months old na anak ngunit dahil unang araw iyon ng kanilang pagsusulit ay hinikayat niya itong pumasok upang hindi mahuli sa klase.
Upang maging komportable at makapag-isip ng maayos habang nagsusulit ang kanyang estudyante ay pansamantala niyang kinuha ang bata para alagaan at patulugin.
Sinabi ni Sir Melvin na nais niyang maiparamdam sa kanyang mga estudyante ang pagtanggap sa kanila sa kabila ng sitwasyong hinaharap nila at handa siyang gabayan at damayan ang mga ito.
Hindi man aniya nito inaasahan na marami ang matutuwa sa kanyang mga larawan ay hindi rin naiwasan ang may magkomento ng negatibo na tila daw pinopromote pa ang pagiging batang ina.
Para kay Sir Melvin, hindi ito pagkunsinti sa pagkakaroon ng anak sa murang edad pa lamang kundi pagkalinga at pagtanggap bilang pangalawang magulang ng mga kabataang sa kabila ng maagang pagbubuntis ay patuloy pa ring nangangarap para sa kanilang kinabukasan.
Payo ni Sir Melvin sa mga kabataan na sana’y maging eye opener ang pangyayaring ito upang huwag pasukin ang ganitong sitwasyon dahil dapat aniya nilang isaalang-alang ang paghihirap ng kanilang mga magulang para sa kanila, at gayun din naman sa mga magulang na sana’y patuloy na gabayan ang kanilang mga anak para sa tamang landas na kanilang tatahakin.
Sa panayam naman kay Emilee ay sinabi nitong naantig ang kanyang puso sa ipinakitang pagkalinga ng kanilang guro na si Sir Melvin sa anak ng kanyang kaklase, kaya naman ganun na lamang ang kanyang pasasalamat na siya ang naging guro nila.