NOVO ECIJANA, 1ST RUNNER-UP SA ALIWAN FIESTA DIGITAL QUEEN 2022

Nagtapos bilang 1st runner-up ang pambato ng Nueva Ecija na si Maica Cabling Martinez mula sa 32 kandidata na lumahok sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas sa paghahanap ng 2022 Aliwan Fiesta Digital Queen ng Manila Broadcasting Company.

Hinakot ng 28-anyos na tubong Cabanatuan City ang Netizens’ Choice Award, Best in Talent at Miss White Rose Papaya gayundin ang Best Digital Video Production at Pride of Place Citation Award para sa kanyang isinumiteng obra na naglalarawan sa buhay ng mga magsasaka at mga tourists destinations sa lalawigan.

Ayon kay Martinez, masaya siya na maging boses muli ng sektor ng agrikultura kung saan 2019 pa lang ay sinimulan na niyang ipakilala ang Nueva Ecija sa bansa sa pamamagitan ng pagsali sa mga kompetisyon tulad ng Miss Millenial Philippines 2019 na nakamit nito ang 3rd runner-up.

Nagpasalamat si Martinez, graduate ng Mass Communication sa University of the Philippines Diliman, sa mga Novo Ecijano at iba pang sumuporta sa kanyang journey. Payo ng Cabanatuena sa mga kapwa niya beauty queen, huwag susukuan ang pangarap dahil maraming oportunidad ang naghihintay upang maabot ito.

Samantala, nakamit ng 25-anyos na tubong Itogon, Benguet na si Marikit Manaois ang titulo at 2nd runner-up si Sophia Noreen Guillermo ng Ilocos Norte.

Ang Aliwan Fiesta Digital Queen ay isang virtual pageant competition ng Manila Broadcasting Company na naglalayong ipakita ang iba’t ibang kultura at pamana ng mga Pilipino sa buong mundo sa pamamagitan ng mga binibining napili sa kanilang lugar.