AYUDA SA MGA MAHIHIRAP NA PAMILYA SA BANSA, IKINAKASA NG MALACAÑANG
Maglalaan ang administrasyong Marcos ng P206.5 bilyong pisong ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa bansa sa taong 2023 upang malabanan ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin dulot ng pandaigdigang inflation.
Ang nasabing pondo ay kukunin sa P5.268 trilyong halaga ng 2023 National Expenditure Program na magagamit bilang cash transfers at subsidy programs ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Office of the Press Secretary na ang pinakamalaking parte na tinatayang P165.40 bilyon ay tatanggapin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilalaan para sa iba’t ibang social assistance programs nito.
Kabilang din ang Department of Health (DOH) na mabibigyan ng P22.39 bilyon para sa implementasyon ng Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients habang P14.9 bilyon ang mapupunta sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang TUPAD program.
Pagkakagastahan din ng Malacanang ang subsidiya para sa petrolyo ng mga pampublikong tsuper na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr).
Kasama rin sa listahan ng gobyerno ang mga magsasaka at mangingisda dahil may inilaan sa kanila na P1 bilyon na ipadadaan sa Department of Agriculture (DA).
Samantala, hindi rin nakalimutan ng pamahalaan ang mga 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil may P11.6 bilyon ang ipamamahagi para sa kanila, P25.3 bilyon para sa social pension ng mga mahihirap na senior citizens, P19.9 bilyon para naman sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances, P4.4 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program, P47.4 bilyon sa Universal Access to Quality Tertiary Education Program, P110.2 bilyon para sa National Health Insurance Program ng Philippine Health Insurance Corporation, P1 bilyon para sa COVID-19 compensation package na sakop ang nasa 65,293 healthcare workers, at P19 bilyon para naman sa public health emergency benefits and allowances ng 526,727 healthcare workers.