75 ANYOS NA LOLO, NALAPNOS; IBA PANG MGA NASUNUGAN SA ALIAGA, HUMIHINGI NG TULONG
Nagtamo ng second degree burn sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang sitentay singko anyos na lumpong Lolo na si Mario Calis sa naging sunog sa Zone 5, Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija noong November 6, 2022.
Ayon sa source, mag-isang naninirahan sa kanyang tahanan ang lolo, kaya nang magkasunog sa kanilang compound ay pagapang umano itong lumabas ng kanyang bahay upang iligtas ang sarili.
Ngunit habang papalabas na ay nabagsakan ito ng umaapoy na banggera dahilan upang malapnos ang kanyang katawan na kaagad dinala sa RHU Aliaga.
Kasalukuyan ngayong nagpapagaling si Lolo Mario at nananawagan ng tulong ang kanyang pamangkin na si Victoria Bautista para sa pambili ng gamot ng kanyang tiyuhin.
Umaapela din ng tulong upang muling makapagsimula ng panibagong buhay at bahay ang iba pang mga nasunugan na halos walang naisalba maliban sa kanilang mga suot suot na damit habang lumilikas.
Sa panayam kay Senior Inspector Girlie Caubang, Municipal Fire Marshal ng BFP Aliaga, umabot sa Php1.5-million ang estimated amount ng mga natupok ng apoy at magpahanggang ngayon ay nasa ilalim pa ng imbestigasyon ang pagtukoy sa tunay na pinagmulan ng sunog.
Sa final report ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Aliaga, nagsimula ang sunog sa bahay ni Ginoong Sacarias Clemente na umabot sa 2nd alarm at umabo sa 6 na kabahayan sa naturang lugar.
Aabot sa labing limang pamilya at apat napu’t siyam na indibidwal ang apektado at nawalan ng tahanan dahil sa sunog.