SCHOLARSHIP PARA SA MGA ESTUDYANTENG KUMUKUHA NG KURSO SA AGRIKULTURA, ISINUSULONG

Isinusulong ni AGRI Party-list Representative Wilber Lee ang pagsasabatas ng House Bill No. 2419 o ang “Agripreneurs Scholarship Program Act” na naglalayong matulungan at maparami pa ang mga estudyanteng kumukuha ng kurso sa Agrikultura.

Ayon kay Representative Lee, target ng House Bill na ito na masolusyunan ang posibleng kakulangan ng mga mangagawa sa agrikultura, pangingisda at agham pang kagubatan.

Dahil aniya mahigit kumulang na nasa Singkwenta’y Siete hanggang Singkwenta’y Nuebe ang average age ng mga magsasaka sa ngayon ay hindi malayong magkaroon ng kakulangan sa mga mangagawang bukid sa susunod na labing limang taon, kaya naman kinakailangan nang madagdagan ang mga kabataang magsasaka at mangingisda.

Sa proposal ni Lee, aabot sa 1 bilyong piso ang hinihinging annual fund para mapondohan ang pagbabayad sa tuition fee,school fee ng mga scholar, living allowance, pambili ng libro at kagamitan, school uniform, kagamitan sa agrikultura ng mga estudyante at marami pang iba.

Kabilang din sa proposal na ito ay mandatoryong pag ta-trabaho ng isang agripreneur scholar sa isang agricultural institution o kompanya na accredited ng Department of Agriculture upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa bansa.