UNANG ARAW NG PRE-REGISTRATION NG PASSPORT ON WHEELS, BLOCKBUSTER

Blockbuster ang unang araw ng pre-registration o filing of requirements sa Passport on Wheels ng Nueva Ecija-Public Employment Service Office sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs, noong Lunes, Oct. 3, 2022.

Ayon kay PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, unang araw pa lamang ng distribution of forms at pagtanggap nila ng requirements ng mga passport applicants ay naipamahagi na nila ang 800 slots para sa Nueva Ecija.

Paglilinaw ni PESO Manager Pangilinan, bagaman umabot na ng 800 ang mga aplikante noong Lunes ay hindi nangangahulugan na sila na ang makakukuha ng slots dahil ibeberipika pa nila kung sinu sino ang mayroong kumpletong requirements.

Makatutulong aniya ang programang ito para makatipid ang mga Novo Ecijano na magrerenew at mga baguhan na nais kumuha ng passport dahil pinalapit na sa kanila ang serbisyo at hindi na kailangan pang pumunta ng Pampanga o Manila.

Mula 2017 hanggang sa kasalukuyan ay tatlong passporting services na sa pamamagitan ng passport on wheels ang naisakatuparan ng NE-PESO.

Dagdag ni Pangilinan, lahat ng makakukuha ng slots ay babalik sa kanilang opisina sa Nov. 21 para sa pagbabayad at personal appearance.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Pangilinan kina Gov. Aurelio Umali at Vice Gov. Anthony Umali dahil sa kanilang suporta upang makapaghatid sila ng ganitong serbisyo sa mga Novo Ecijano.