Sa unang araw ng pamimili ng palay ng Nueva Ecija Provincial Food Council noong Martes, October 1, 2019 ay sumama ang team ng Balitang Unang Sigaw sa grupo ng Provincial Youth and Development Office sa Barangay Sapang Buho, Palayan City.
Umabot sa 78 sako ng palay ang nabili sa magkapit-bahay na sina Luzviminda Caoile at Emilio Caoile, limampong kaban kay Luzviminda at 28 kaban naman kay Emilio.

Kinuha muna ng tauhan ng kapitolyo na nagsilbing classifier ang moisture content ng mga aning palay ng magkapit-bahay na Caoile na nasa bracket ng 21-25.
Naibenta ni Luzviminda ang kanyang aning palay sa halagang P14.50, habang si Emilio naman ay P14.30, mas mataas kumpara sa umiiral na kalakarang presyo na nasa P12.
Kasunod nito ay tinimbang isa-isa ang mga kabang palay at saka hinakot ng mga inupahang mga karyador at truck ng mga kapartner na rice mill.

Makukuha nina Luzviminda at Emilio ang bayad sa kanilang mga palay sa Provincial Treasurers Office, habang sa ibang mga bayan at lungsod naman na malayo sa kapitolyo ay may nakatakda namang lugar para sa pag-claim ng mga bayad.
Ayon kay Provincial Public Affairs and Monitoring Office Chief Engr. Florencio Valino, ang mga bibilhing palay ay ilalagak sa mga kapartner na rice mill sa probinsya, sa ikatlong distrito ay sa Palayan Grain Drying Facility habang sa ikalawang distrito naman ay sa Dysico ricemill.
Ani Valino, tuloy-tuloy na ang pamimili ng palay ng provincial government mula araw ng lunes hanggang sabado at patuloy din ang validation para sa iba pang maaaring maging farmer beneficiaries’ ng programa.
Sa panayam kay Luzviminda ay sinabi nito na matagal silang hindi nakapagbenta ng palay dahil magkakasunod na anihan na nasalanta ang kanilang mga inani at ngayon lamang muling nakabenta ng maganda ang presyo.
Sa walong libo namang gastos ni Emilio sa kanyang bukid ay tiwala aniya siyang makakabayad sa pinagkakautangan dahil sa pagbili ng provincial government sa kanyang aning palay.
Pasasalamat ang mensahe ng dalawang farmer beneficiaries para kay Governor Aurelio Umali dahil sa programang nakatutulong sa mga kagaya nilang maliliit na magsasaka at hiling nila na sana ay magtuloy-tuloy pa ito samga darating na panahon.— Ulat ni Jovelyn Astrero