GOLDEN RICE, IPOPROMOTE PARA MAIBENTA SA NUEVA ECIJA

Inaprubahan na sa ika-tatlumpu’t limang session ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Doc Anthony Umali ang kahilingan ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na ipromote para maibenta ang Golden Rice sa Nueva Ecija.

Ayon sa DOST-FNRI, 56.4 percent na households sa Nueva Ecija ang nakararanas ng food insecurity o kawalan ng seguridad sa pagkain dahil sa kakulangan ng pinansiyal o hindi sapat ang pagkain.

Lumalabas din sa kanilang pag-aaral na 18.8 percent na mga batang nasa limang taong gulang pababa ay stunted o bansot habang 7.3 percent naman ang underweight.

Ipinaliwanag ni Dr. Ronan G. Zagado ng Philrice na ang Golden Rice mayaman sa Vitamin A na tutulong sa mga batang may Vitamin A Deficiency na humahantong sa malnutrisyon kung saan nakakaapekto ito sa 15.5 percent na mga batang Pilipino.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa buong mundo na nag-apruba sa commercial production ng genetically modified “golden rice” na inaasahan ng mga eksperto na tutulong upang malabanan ang sakit na childhood blindness at makapagsalba ng buhay sa mga developing countries.

Ang Golden Rice ay sumailalim sa approval ng limang ahensya ng pamahalaan – ang Department of Agriculture, Department of Science and Technology, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, at Department of Interior and Local Government.