Nasirang tulay ng Bugnan at Camachile dahil kay Karding, agarang inaksyunan ng Kapitolyo
Pagkatapos ng matinding hagupit ng Super Typhoon Karding na puminsala sa mga pananim, kabahayan at mga ari-arian sa Nueva Ecija ay tumambad sa mga residente ng Brgy. Camachile sa bayan ng Gabaldon ang nagutay-gutay nilang tulay.
Nawasak ang tulay na nag-uugnay sa Brgy. Bantug at Brgy. Camachile na siyang pangunahing daan papuntang bayan ng Gabaldon.
Sa lakas ng pagragasa ng tubig mula sa bundok nasira ang magkabilang approach ng tulay dahilan para ma washout ang loop protection nito.
Hindi lamang mga tulay ang napinsala ni Karding pati kabuhayan ng mga naninirahan dito. Ang mga cottages sa ilog Dupinga ay na washout din pati na rin ang sa Bato Ferry.
Malaking panlulumo naman ang naramdaman ni Kapitan Alberto Makiling nang makita kinabukasan ang nasirang tulay dahil ayon sa kanya napakalaking bagay sa kanila ang tulay na ito dahil dito nila dinadaan ang mga produktong sa kanila manggagaling gaya ng palay, saging, at gulay, na dinadala sa pamilihan.
Sa atas ni Gov. Aurelio Umali sa Provincial Engineering Office, tuwing may parating na mga kalamidad gaya ng bagyo ay palaging nakaantabay na ang mga heavy equipment ng lalawigan na 5 dump trucks, 1 loader, 1 backhoe, 1 grader at isang road roller para mabilis na makapagresponde ng flash flood at landslides sa lugar.
Ayon kay Dante Dela Cruz, PEO heavy equipment operator sa loob ng halos mahigit 20 taon sa serbisyo, bago dumating ang bagyong Karding ay nasa bayan na sila ng Gabaldon para nakaantabay sa mabilis na rehabilitasyon pagkatapos ng bagyo.
Sakripisyo man sa pamilya na hindi nila kasama sa tuwing may kalamidad dahil sa tawag ng serbisyo sa bayan kailangan nilang gampanan ito.
Dahil naman sa agarang aksiyon ng Provincial Government ng Nueva Ecija ay mabilis na nagawa kaagad ang mga nasirang tulay gaya ng Bugnan Bridge.
Halos sa maghapon na paggawa ay nadaanan kaagad ito kinabukasan ng mga sasakyan papuntang bayan.
Ayon kay Municipal Engineer Manuel Cabungcal ng Gabaldon, mabilis na nagawa ang pagsasaayos ng tulay sa loob lamang ng halos maghapon sa tulay ng Bugnan at sa loob ng dalawang araw ay muli namang nadaanan ang tulay ng Camachile sa tulong ng mga heavy equipment ng lalawigan.
Malaking pasasalamat naman ang ipinaabot ni Kapitan Alberto sa tulong at mabilis na pagsasaayos sa kanilang nasirang tulay