4 na resolusyon ng Licab na humihiling ng endorsement sa mga Senador, pinukpukan ng SP
Pinukpukan ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa kanilang 37th Regular Session noong September 30, 2022 ang apat na resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Licab na humihiling ng endorsement sa mga Senador upang mapondohan ang ilang mga pagawain sa kanilang lugar.
Sa naging panayam kay Vice Governor Anthony Umali noong September 20, 2022 sa 36th Regular Session ng SP ay sinabi nitong may mga proyekto na hindi kakayaning pondohan ng munisipyo ng Licab kaya dumulog sila noong araw na iyon sa Sangguniang Panlalawigan para mailapit ang kanilang mga kahilingan sa mga Senador at Kongresista.
Sa ibinigay na pagkakataon kay Vice Mayor Oliver Villaroman sa ilalim ng Privilege hour ng SP session noong September 20, ay inihayag nito na nagdesisyon silang humingi ng endorsement kay Vice Gov. Anthony para sa kanilang mga proyekto sa pag-asang mas magkakaroon ng positibong katugunan ang kanilang mga kahilingan.
Nilalaman ng Resolution No. 4G-s-2022 ang kahilingan ng Licab kay Senator Jose “Jinggoy” Ejercito, Jr. para sa Road Concreting ng Juan Luna St., Brgy. Poblacion Norte, Licab na may habang 150 meter.
Ang Resolution No. 4I-s-2022 at Resolution No. 4J-s-2022 ay request naman kay Hon. Joseph Victor Gomez Ejercito para sa Concreting/Upgrading ng 1.8 Kilometer Farm to Market road sa Purok 1, Brgy. Villarosa at Construction of the Proposed Evacuation Center sa Brgy. Tabing-Ilog.
Habang ang Resolution No. 4L-s-2022 ay ang kahilingan kay Rep. Jose Gay “GP” Padiernos para sa Concreting/Upgrading ng isa at kalahating kilometrong Farm to Market Road sa Purok 2, Brgy. Sta. Maria.