IBA’T IBANG AKTIBIDAD, NAISAKATUPARAN NG NEPCI SA KANILANG ANIBERSARYO

Naisakatuparan ng Nueva Ecija Press Club Inc., ang iba’t ibang aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang 67th Anniversary.

Isinagawa ng grupo noong September 20, 2022 ang Dance Zumba For a Cause sa NEPPO Gym, Cabanatuan City, na naglayong makalikom ng pondo para sa kanilang samahan na ilalaan nila sa iba’t ibang programa at proyekto.

Kasunod nito ang pagsasagawa ng NEPCI ng 1st Digital Journalism Seminar and Photo Exhibit, noong Sept. 21 sa pakikipagtulungan ng SM City Cabanatuan.

Dinaluhan ito ng mahigit 100 partisipante mula sa PNP Nueva Ecija Information Office, 7ID Fort Magsaysay, Central Luzon State University, Wesleyan University Philippines, College of the Immaculate Concepcion, Core Gateway College, Araullo University-PHINMA, at NIA UPRIIS.

Pagtugon sa pangangalaga at kalinisan sa kapaligiran sa pamamagitan ng clean up drive malapit sa ilog ng Brgy. Pagas, Cabanatuan City at pagtatanim ng puno ng mahogany sa malawak na lupaing nasasakop ng naturang barangay ang naging aktibidad naman ng grupo noong Sept. 24, 2022.

Layunin nitong maipakita sa mga mamamayan ang kahalagahan ng kalinisan at pagmamahal sa kalikasan.

Suportado naman ni Governor Aurelio Umali ang mga aktibidad na ito ng NEPCI kaya nagpaabot ng pasasalamat si NEPCI Pres. Gina Magsanoc para sa gobernador at sinabing patuloy silang magsasagawa ng mga makabuluhang programa at proyekto para sa kapakanan at kapakinabangan ng kanilang mga miyembro at pinagsisilbihang mga komunidad.