P3.4-M, INILAANG HUMANITARIAN ASSISTANCE NG DSWD SA NUEVA ECIJA
Inanusiyo ni DSWD spokesperson Romel Lopez noong Lunes na naglaan ng 1.1 bilyong pisong pondo ang Department of Social Welfare and Development para sa disaster response at tulong sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Sinabi ni Lopez na nagsagawa na ang ahensiya ng mga relief operation sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, National Capital Region at Cordillera Administrative Region.
Sa nagpapatuloy na relief efforts ng gobyerno, umaabot na P29.6 million ang halaga ng assistance nitong September 29 para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo.
Katuwang ng DSWD ang mga Local Government Units at ilang Non-government organizations na nagpapaabot ng tulong.
Ayon kay Christer Carandang, Partnership Officer ng DSWD-Nueva Ecija, 200 na barangay sa lalawigan na umaabot sa 238,548 katao ang naapektuhan ng naturang bagyo at P3,406,272 ang nakalaang pondo para sa humanitarian assistance sa probinsiya.
Sa kabuuan, nakapaghatid na ng 20,000 Family Food Packs sa lalawigan ang ahensiya, 1,000 FFPs dito ay ipamamahagi sa unang distrito.
Nakatanggap rin ang 401 evacuees sa Lazaro Francisco Integrated School, Cabanatuan City na personal na inabutan ng tulong ni Undersecretary for Disaster Response Management Group Marco M. Bautista kasama sina DSWD FO III Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela at Provincial Team Leader Aurelia Senayo.