PAGLAKAS NG BAGYONG KARDING, ISINISISI SA CLIMATE CHANGE

Isinisisi ng ilang grupo at indibidwal sa climate change ang paglakas ng bagyong Karding na itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon, na sumanlanta sa mga kabuhayan, kabahayan at ari-arian sa Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon.

Pinatumba ng bagyo ang iba’t ibang puno, mga poste ng kuryente at nagdulot ng pagbaha sa mga mababang lugar.

Ayon sa panayam kay Roger Manuel, Chief Meteorogical Officer ng PAGASA, nang tanungin ito kung bakit malalakas ang bagyong pumapasok sa bansa kapag papatapos na ang taon ay maaari aniyang dahil sa climate change, kapag mas mainit aniya ang karagatan ay doon mas nakakakuha ng lakas ang bagyo.

Ang climate change ay ang pagbabago ng klima o panahon dahil sa pagtaas ng greenhouse gases na nagpapainit sa mundo, kung saan isa ang Pilipinas sa pinakabulnerableng bansa sa epekto nito, at umaaabot sa dalawampong bagyo ang pumapasok dito kada taon.

Babala ng mga siyentipiko na ang mga bagyo ay lalong lumalakas at nagiging mas mapinsala kaya panawagan ng Kalikasan People’s Network for the Environment na kinakailangan ng tugunan ng mga national at world leaders ang usapin ng climate change at maghanda sa epekto nito.

Binigyang diin ng grupo ang rehabilitasyon at pangangalaga sa mga natural na harang tulad ng Sierra Madre mountain range na pinakamahabang kabundukan sa Pilipinas na nagsisilbing harang o nagpapahina sa mga bagyong nabubuo sa Pacific Ocean.

Nananatili ang Sierra Madre sa matinding banta ng illegal logging, mining activities at development projects.

Giit pa ng grupo, kinakailangan ng simulan ngayon ng gobyerno ang pagsasagawa ng konkreting pamamaraaan upang pagaanin o pahupain ang climate change at protektahan ang mga natitira pang kagubatan lalo na ang Sierra Madre mountain.