Pumabor kay Governor Aurelio Umali ang lumabas na desisyon ng Court of Appeals sa kasong isinampa  laban sa kanya dahil sa umano’y maling paggamit sa 15 milyong pisong pondo ng pork barrel noong 2005 habang sya ay konresista ng ikatlong Distrito ng Nueva Ecija.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Governor Oyie Umali,  sinabi nito na masaya sya sa naging desisyon ng CA.

Base sa desisyon ng Court of Appeals, sakop pa ng 1959 condonation doctrine si Governor Umali dahil ang pag abandona ng Supreme Court  sa nasabing doktrina ay noong  taong 2015 lamang.

Matatandaan na nagpalabas ang Office of the Ombudsman ng kautusan na nag aalis sa serbisyo kay Governor Oyie at  pinagbawalan itong tumakbo ng anumang pampublikong tanggapan.

Naging maingay ng panahong iyon ang kanyang mga naging kalaban sa pulitika at kumalat sa social media na hindi sya makakaupong gobernador.

Ngunit base sa condonation doctrine, ang isang public official na muling ibinoto ng taong bayan ay hindi maaaring tanggalin ng dahil sa administrative misconduct na nangyari bago ang kanyang termino.

Mensahe ni Governor Umali sa kanyang mga kalaban na hayaang manaig ang batas at huwag itong pangunahan para gamitin sa paninira.

Hindi pa aniya tapos ang laban dahil hihintayin at haharapin nya ang kaso kapag ipinanik ito sa Korte Suprema. – Ulat ni Amber Salazar