Biktima ng bullying noon, beauty queen ngayon!
Dinaig ni Princess Lazaga ang 21 kalaban mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng lalawigan matapos masungkit ang korona at tanghalin bilang Binibining Nueva Ecija 2022 na idinaos kamakailan sa Nueva Ecija Convention Center sa Palayan City.
Si Lazaga ay biktima ng bullying noon dahil sa kanyang itsura at kulay. Mula sa karanasang ito, mas minahal niya ang kaniyang sarili.
Bilang Binibining Nueva Ecija 2022, tutulong si Lazaga sa mga programa ng Tourism Office sa pangunguna ni Atty. Joma San Pedro upang mas maipakilala pa ang lalawigan sa buong bansa.
Bukod sa titulo at korona, nakuha rin nito ang Best in Swimwear, Best in Evening Gown and Mr. Rian Fernandez Atelier Award at nag-uwi ng halos P120,000 cash prize at gift certificates mula sa mga sponsor ng nabanggit na beauty pageant.
Nagpasalamat naman ang binibini sa lahat ng mga sumuporta sa kanyang journey at umaasang hanggang sa makamit niya ang kanyang pangarap na makatuntong sa international stage ay patuloy na aalalay sa kanya hanggang sa huli.
Samantala, wagi rin bilang Bb. Nueva Ecija 2022 Tourism si Candidate #8 Michela Nicole Rivera mula sa Science City of Muñoz, at Bb. Nueva Ecija 2022 Culture and Heritage si Candidate #20 Aaliyah Jewel Suni-en ng Llanera.
Habang Bb. Nueva Ecija 1st runner up naman si Candidate #18 Xandra Loi De Ramos at 2nd runner-up si Candidate #7 Patricia Convento na parehong mula sa Cabanatuan City at 3rd runner-up si Candidate #6 Jessica Peralta mula sa bayan ng San Isidro.
Ginawaran din ng Special Awards ang mga piling kandidata na kinabibilangan nina Patricia Convento (Best in Casual Wear at Ms. Lenscab Photography), Xandra Loi De Ramos (Best in Provincial Costume, People’s Choice Award, Ms Glutaland 2022), Jessica Peralta (Best in Talent, Ms Highland Bali), Baby Jane Sison (Miss Photogenic), Lein Ann Valdez (Miss Congeniality), Melissa Cajucom (Ms. Microtel), Allura Faye Mercado (Ms. Glowskin), Avelar Daquial bilang Best Designer/ Couturier ng Long Gown, Bryan Diego (Best Designers/ Couturier ng Provincial Costume, at Vastery Artistry (Best Make-up Artist).