Tampok sa Nueva Ecija Medical Society o NEMS Fellowship Night ang iba’t iba at natatanging talento sa pagtatanghal ng mga doktor at doktora sa lalawigan, bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng National Medicine Week.
Sa pagbubukas pa lamang ng programa ay nagpakitang gilas na ang mga hospital staff mula sa iba’t ibang pagamutan sa probinsya sa pag-indak at pag-awit.
Magkakagrupo din na nagbigay ng pampasiglang bilang ang mga manggagamot na lalong nagpatingkad sa kulay ng kanilang pagdiriwang.
Kabilang din sa itinampok ang tagisan sa pagrampa ng limang naggagandahang mga doktora suot ang kanilang mga gown na gawa sa recycled hospital supplies tulad ng laboratory tube, dextrose hose, dextrose plastic bottles, gloves, mask, at X-ray film.
Wagi ang pambato ng Nueva Ecija Doctors Hospital na si Dra. Rosalyn Paez-Donato na nag-uwi ng P7, 000, pumangalawa naman ang representante ng ELJ Memorial Hospital na si Dra. Margarette Villesa na nakatanggap ng P5, 000 at nasungkit naman ni Dra. Joseffe Mae Marrero ng Heart of Jesus San Jose ang ikatlong pwesto na nagkamit ng P3, 000.
Tumanggap naman ng tig-dalawang libong piso bilang consolation prize ang mga hindi pinalad manalo.
Lubos ang pasasalamat ng NEMS sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali dahil sa patuloy nitong suporta sa lahat ng mga adhikain at aktibidad ng mga pagamutan sa probinsya.— Ulat ni Jovelyn Astrero