Umabot sa tatlumpo’t apat na binibini ang sumabak sa screening ng Bb. Nueva Ecija 2022 ngunit 23 lamang ang nakalusot bilang official candidates na pormal nang iniharap sa publiko noong July 29, 2022 sa ginanap na press presentation sa SM City Cabanatuan.
Ang dalawampu’t tatlong kandidatang nakapasa sa final screening na may requirements na 5’4” ang taas, single, no criminal records at isang bonafide Novo Ecijana ay kaagad sumabak sa mga katanungan ng local media.
Kasunod nito ay rumampa ang mga kalahok suot ang kanilang casual na gawa ng kani-kanilang local designers.
Mas pinalaki naman ang papremyo at dinagdagan pa ang mga titulo ng mga mananalong kandidata na siyang magiging kinatawan ng lalawigan sa mga national pageants.
Tumataginting na P100,000.00 ang mapapanalunan ng Binibining Nueva Ecija 2022, habang ang Binibining Nueva Ecija Tourism 2022 ay mag-uuwi ng P50,000 at Binibining Nueva Ecija Culture and Heritage 2022 ay mananalo ng P40,000.
Ang Bb. Nueva Ecija 1st runner-up ay magkakamit ng P30,000, Bb. Nueva Ecija 2nd runner-up ay P25,000 at Bb. Nueva Ecija 3rd runner-up ay tatanggap ng P20,000.
May nakahanda ring papremyo sa mga Special Awards para sa mga kandidata kagaya ng Best in Casual Attire, Swimwear, Provincial Costume, Evening Gown, Talent, Best in Make-up Artist, and Designers for Long Gown and Provincial Costume, Miss Photogenic, and Congeniality, at People’s Choice Award.
Hindi rin naman uuwing luhaan ang mga hindi mananalo dahil makakatanggap pa rin ang mga ito ng tig- P5,000 bawat kandidata.
Ang pagbabalik ng nasabing beauty pageant ay sa pangunguna ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali at Provincial Tourism Office.