Hinikayat ng SSS ang mga delingkwenteng kompanya na sumunod na sa tamang pagbabayad na obligasyon nila sa kanilang mga empleyado dahil kung hindi kabi-kabilang kaso ang kakaharapin umano ng mga ito.
Nagbabala ang Social Security System (SSS) sa mga delingkwenteng kompanya na maghulog na ng tamang buwanang kontribusyon bilang obligasyon sa kanilang mga empleyado.
Hindi umano maikakaila na may mga employers na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado o hindi nagre-report ng kanilang mga empleyado para sa SSS coverage.
Ayon kay SSS Senior Communications Analyst Maureen Inocencio, hindi sila mangingimi na magsampa ng kaso sa mga kompanya na lalabag sa kautusan ng ahensiya.
Binigyang diin ng ahensiya, na hindi umano hadlang ang pagiging contractual, casual o job order upang maging miyembro ng SSS.
Bukod dito, ang iba namang kompanya ay hindi nagdedeklara ng tamang halaga ng sweldo ng kanilang mga empleyado upang makaiwas sa malaking share nito sa buwanang pagbabayad.
Nilinaw ni Inocencio na hindi nila intensiyon na magpakulong, kundi ang nais lamang nila ay tumalima ang mga employer sa kanilang mga obligasyon. -ULAT NI DANIRA GABRIEL