Binigyang otoridad ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija si Governor Aurelio Umali na makipag-negotiate sa ALCOM, na isang Singaporean renewable energy company, para sa Joint Venture or Partnership Agreement para sa pagpoproduce at pagbebenta ng Biochar sa Provincial Government Palay Drying Facility na nasa Brgy. Singalat, Palayan City.
Ito ay tinalakay sa ilalim ng Supplemental Agenda sa 26th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan noong Biyernes, July 12, 2022.
Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, makatutulong ang iniaalok na proyekto ng ALCOM company para makatipid ang probinsya sa pagpapatakbo ng mga makina para sa paggiling sa palay upang maging bigas.
Sa pamamagitan kasi ng mga agricultural waste product tulad ng ipa, rice straw o dayami, at coconut shells ay pagaganahin nila ang kanilang mga makina upang makapagproduce ng Biochar na ibebenta sa mga local fertilizer companies.
Ang Biochar na ito ay maaaring magamit na panghalo sa mga pataba sa lupa sa bukid na makatutulong din upang mapataas ang ani ng mga magsasaka at pang-gas up sa mga makinang pang-agrikultura sa halip na gumamit ng fuel.
Ang Biochar ay isang charcoal-like substance o tila parang uling na nagmula sa mga sinunog na agricultural waste product.
Sinabi pa ni Vice Governor Anthony na maliban sa makatutulong na sa agrikultura at mga magsasaka ang proyektong ito ay makadadagdag din ito sa revenue ng probinsya, dahil bagaman walang gagastusin ang pamahalaang panlalawigan dito ay may papasok na kita sa kaban ng bayan, na aabutin ng sampong taon.
Nilinaw ng bise gobernador na under negotiation pa ang naturang proyekto at marami pang dapat na mapag-aralan patungkol dito bago tuluyang pumasok ang provincial government sa isang kasunduan sa ALMCOM company.